Friday, September 30, 2016

CHEF BOB's BURGER

CHEF BOB's BURGER
Flavors of the World in a Bun


     Siguro ay inyo nang napanood ang video ng aking pagpunta sa Chef Bob's Burger at aminin ninyo na marami sa inyo ang talagang natakam kahit sa mga larawan ng burger pa lang. Maraming tindahan ng mga masasarap na hamburger dito sa ating bayan, ngunit may isang pumukaw ng aking atensyon at gusto ko malaman kung ano ang kaibahan nila sa ibang gumagawa ng burger dito sa atin. Para sa mga hindi pa napapanood kung ano ang binabanggit ko na video, ito po iyon.


     Dumayo ako sa Chef Bob's burger dito sa Baliwag na nasa loob ng A&C Building, B.S. Aquino Avenue. Masasabing kong maganda at maaliwas ang kanilang tindahan, hindi air-conditioned ngunit presko naman ang paligid na sinabayan pa ng malamig na simoy ng hangin habang ako'y naroroon bandang hapon.



     Agad akong binigyan ng kanilang menu. Natakam ako sa lahat ng burger na nakita ko, sa menu pa lang nila kitang kita mo kung ano ang itsura at laman ng bawat oorderin mo. Sa pagkakataong iyon, gusto ko matikman kung ano ang kanilang "specialty". Maraming espesyal na burger, may malalaki pa ngang burger na tatlong patong ang "patty" pero pinili ko ang sa tingin ko ay tama lang sa akin dahil balita ko na malalaki ang burgers nila. Classic Cheese Burger ang napili ko dahil gusto ko malaman ang kaibahan nila sa ordinaryong cheese burger na akin nang natikman. Nagorder din ako ng "The Hangover Burger" - sa pangalan pa lang hindi ba't magiging interesado ka rin kung ano ang lasa nito? Ang kanilang Hungarian sausage raw ay masarap kaya akin din itong tinikman. Sawa na ba kayo sa ordinaryong French Fries? Mayroon silang Potato Wedges na napakamura, sulit ika nga! Naku, hindi ko na mahintay ang mga order ko.

Hindi ko na kayo bibitinin pa at ipakikita ko na sa inyo ang mga inorder ko.

Classic Cheese Burger - P115
Classic Cheese Burger - Hinati ko ito para makita rin ninyo ang nasa loob nito.

The Hangover Burger - May itlog at bacon - P155
Cheesy Hungarian Sausage - P65
Potato Wedges - P95

     At totoo nga... napaka laki at madami ang kanilang serving, talagang sulit ang ibabayad mo! Sa kanilang patty pa lang na "Half Pound" ay talagang mabubusog ka. Sa katunayan, sa sobrang laki ay kakailanganin ko pa ng tulong para maubos ito. Sariling recipe ng patty ang ibinebenta nila pati ang kanilang mga tinapay at cheese ay sila rin mismo ang gumagawa. Kaya makakasiguro tayo na walang preservatives o ibang pampalasa na nilalagay rito. 100% puro na beef o baka na pinong iginigiling at tiyak na bago ito araw araw. Niluluto ng walong minuto at pitong minuto naman pagkabaligtad ng mga niluto na patty. Bukod sa napakalaking burger ay ang kanilang Potato Wedges na sobrang masustansya dahil walang anumang ihinahalo dito kundi asin at basil. Eksakto ang lasa lalo na kung isasawsaw sa kanilang espesyal na dip. Para sa mga mahilig naman sa sausage ay mairerekomenda ko ang Cheesy Hungarian Sausage, bukod sa mura na, masarap pa! Hindi sila nagse-serve ng softdrinks o mga "de bote" dito dahil sinisiguro nilang masustansya ang mga inihahanda nila, kaya naman Iced Tea at Cucumber Lemonade ang kanilang inirerekomenda. Sobrang marami na akong natikman pero sa susunod ay siguradong babalikan ko ang iba pang klase ng burger at ang kanilang Buffalo Wings na kanila ring ipinagmamalaki.
     Nakilala ko ang may ari ng Chef Bob's Burger na si Chef Bob Diño. Hindi ko na pinalampas ang pagkakataon na maitanong sa kanya kung paano siya nagsimula at kung ano ang sikreto ng kanyang negosyo. Ayon sa kanya, Marso 28, 2015 nang nagsimula siyang gumawa ng mga masasarap na burger sa kanila mismong bahay sa Milflora, sa isang araw pa lang ay nakakatanggap na siya ng mga orders. Kaya naman naisipan na niyang magtayo ng negosyo dito sa bayan ng Baliwag. Layon nya na maging unang tindahan ng burger na inyong maiisip kainan dahil sa masarap, hindi bitin, malaki ngunit sulit na burger sa inyong ibinabayad. Naisip nyo ba kung bakit tinawag na "Flavors of the World in a Bun"? Dahil sila ang nagseserve ng 18 na klase ng burger na kapareho ng lasa ng sa Indian, Mexican, Hawaian, Japanese, Vietnamese at iba pa. O di ba para ka nang nakakain sa ibang bansa kapag natikman mo ang mga ito!

Ano ang sikreto ni Chef Bob? Pagiging tapat sa Panginoong Diyos at sa mga tao. Dahil kung naging tapat ka sa ipinagkatiwala sa iyo ng Panginoong Diyos, walang paraan na hindi ka pagpapalain. Tapat sa mga tao sa paraan na sapat lang at hindi mahal ang mga ibinebenta nila, dahil naniniwala siya na kung tapat ka sa mga tao at hindi mahal ang presyo, siguradong  babalik-balikan nila ang produkto mo. Sa ngayon ay mayroon na siyang sangay o branches sa Plaridel, Malolos at San Ildefonso. Nais din niyang magkaroon ng "Charity" o pagpapakain sa mga nangangailangan. Bilang pagbabahagi ng mga pagpapala ng Diyos sa kanyang negosyo at sa kanilang pamilya. 

Para sa mga orders at deliveries, maaaring i-follow ang ang kanilang Facebook page:
https://www.facebook.com/bobsburgeronline/ o mag-text / tumawag sa
0917-8862312
Ang Chef Bob's Burger ay bukas Lunes - Sabado 1pm hanggang 11pm at Linggo 3pm hanggang 11pm

Wednesday, September 28, 2016

SYNERGEIA : Walang Baliwagenyo na Hindi Makapag-aaral

SYNERGEIA 
Walang Baliwagenyo na Hindi Makapag-aaral
 


   Lamang ang may alam! Karapatan ng bawat bata ang makapag-aral. Gustong siguruhin ng ating Mayor Ferdie V Estrella na walang batang hindi nakapag-aaral o wala sa eskwela. Kaya naman ang pamahalaan ng ating bayan ay nakipagtulungan sa SYNERGEIA. Ano nga ba ang Synergeia?

Ang Synergeia (see-ner-hee-yuh) ay ang pagsasanib puwersa ng mga indibidwal, instutusyon, at mga organisasyon na ang layon ay mapabuti and kalidad ng edukasyon. Nais nila na ang bawat batang Pilipino ay makatapos sa kanilang pag-aaral. Hinihikayat nila ang bawat komunidad na makipagtulungan sa kanila upang makatulong na magkaroon ng magandang kinabukasan ang lahat ng kabataan at maging mabuting mamamayan.

Kasama sa ganitong adhikain ng Synergeia ang mga LGU (Local Government Units), DepED (Department of Education), Socio-civic Groups, mga paaralan, mga guro, mga magulang at estudyante na magpatupad at sundin ang isang programa na makakatulong sa sistema ukol sa kaalaman at pagtuturo.

Pangunahing responsibilidad nito ang pagtulong sa lokal na komunidad na alamin ang mga suliranin kung bakit hindi nakapag-aaral ang ilang kabataan sa lugar at ayusin ang mga programang dapat gawin upang sila ay matulungan. Magbibigay rin sila ng konsultasyon ukol dito. Sa katunayan, mayroong mahigit 150 na lugar dito sa Pilipinas na nasasakupan ng kanilang programa at kasalukuyang ginagabayan.

Narito ang mga talaan ng mga ahensiya at nakiisa sa programa ng Synergeia:
  • AusAid - DFAT
  • Embassy of the United States
  • The Ford Foundation
  • UNICEF
  • United States Agency for International Development (USAID)
Mga Private Foundations:
  • Alcantara Foundation
  • Children's Hour
  • Philippine Business for Education
  • Zuellig Family Foundation
Mga Corporations:
  • Hyundai Philippines
  • KSearch Asia Consulting
  • Lufthansa Technik Philippines
  • Millennium Challenge Philippines
  • San Roque Power Corporation
  • Sehwani Group of Companies
  • SGV
  • Wyeth PhilippinesSTAG State Power Inc.

Mga Indibidwal:
  • Ignacio D. Maramba
  • Rep. Roman T. Romulo
  • United States Senator Dianne Feinstein at Mr. Richard Blum
  • Victor O. Ramos
  • Sen. Sergio Osmeña
  • Washington Z. Sycip

Bilang paumpisa, inatasan ng ating bayan ang mga iskolar ng BTECH College of Education na maghanap ng mga batang hindi nakapag-aaral at bigyan ng pagkakataon para sa isang "Home Turorial Service". Pati narin ang mga "Dropouts" at walang kakayahang makapag-aral ay inaanyayahan at sama-samang matuto. Iniimbitahan din ang ibang estudyante sa kolehiyo at mga iskolar na tumulong sa ganitong proyekto. Sama sama tayong magtulungan upang malutas ang ganitong suliranin. Huwag nating hayaan na ang mga kabataan ay pagala gala lamang sa lansangan.

Kung nais ninyong mag-volunteer or boluntaryong tumulong na magturo / gumabay sa mga kabataan, magtungo lang sa tanggapan ng ating bayan at makipagugnayan ukol sa iba pang detalye.


Mga impormasyong nanggaling sa:
SYNERGEIA
website: www.synergeia.org.ph
email: edukasyon@synergeia.org.ph



 

Tuesday, September 27, 2016

Pasko na sa Greenery Baliwag

Pasko na sa Greenery Baliwag



     Mga Baliwagenyo, ramdam nyo na ba ang Pasko? Sabi nga sa isang kanta "May tatalo pa ba sa pasko ng Pinas". Paano ba naman, sa Pilipinas lang may pinakamahabang pagdiriwang ng kapaskuhan. Pagtapak pa lang ng Setyembre, nariyan na ang mga countdown bago mag Pasko. Ilang araw na nga lang ba? Lalo na kapag naamoy natin ang mabangong salabat at tsaa sa Plaza ng Baliwag, syempre mawawala ba ang Puto Bumbong at Bibingka na nauna ko nang naibalita sa inyo kamakailan lang. Kung hindi nyo pa nababasa, Basahin na DITO. Wala nang makakatalo pa sa paraan nating mga Pilipino kung paano natin pinaghahandaan at ipinagdiriwang ang Pasko. Kaya naman masaya kong ibinabalita sa inyo na mayroon tayong "Christmas Village" dito sa Baliwag! Hindi na kailangang lumayo pa dahil ang tinutukoy ko ang The Greenery na nasa barangay Sabang, dito sa ating bayan.


Nitong Agosto lang ay nai-feature ko sa aking blog na ang Greenery Baliwag ay isang magandang lugar para sa kasalan. Pinamagatan ko itong, The Greenery Bulacan : A Perfect Spot to Say "I Do" Muli ko itong binalikan dahil nabalitaan ko ang bagong bihis nilang lugar para sa nalalapit na kapaskuhan. At hindi ako nabigo, ramdam ko ang kapaskuhan sa pag-ikot ko sa Greenery. Narito ang ilan sa mga larawang kuha ko mula sa aking pagpunta roon.
 


Talaga namang paskong-Pasko na rito! Gumawa rin ako ng video upang maisama ko kayo at inyo ring makita ang sinasabi ko.

Ang Greenery ay isang events place na unang nakilala bilang TGI Pavilion. Itinayo noong 2001 nina Rolando at Evelyn Salvador. Noong una ay isa lamang ang kanilang lugar para sa mga kasiyahan ngunit sa paglipas ng panahon, ito ay kanilang napaganda hanggang sa dumami at nahati sa apat na tema: TGI Pavilion, Lighthouse, Open Garden, at House of Greens, na maaring pagdausan ng iba't ibang kasiyahan tulad ng kasal, debut, kaarawan, conference, at madalas nga ay ginagamit din itong lugar para sa mga pictorial o shooting ng mga pelikula at programa sa telebisyon. Alam nyo ba kung anu-anong pelikula at programa ang ginawa sa Greenery? Siguro ay maaalala nyo ang ilan.

Lorenzo's Time, Umagang Kay Ganda, Two Wives, To da max, OMG, It's Showtime, Pangako sa'yo, Summer special ng KrisTV, Annaliza, Kabuhayang Swak na Swak.

Full House, Nita Negrita, Let the Love Begin, Unang Hirit, TV teaser ng GMA7, Ang lihim ni Annasandra, Summer special ng Bubble Gang, Because of you, at Poptalk.

May mga concerts din na dito ginanap tulad ng kay: Martin Nievera, Kuh Ledesma, Regine Velasquez, Spirit of 67, Paolo Santos, Nina at Nyoy Volante, Orange and Lemons, Jose Mari Chan, Vice Ganda, Jed Madela at Ronnie Liang.

Photo shoot ng mga kasal at album pati na ang kina Sarah Geronimo, Richard Poon at Maricar Reyes ay sa Greenery din ginanap.

Kamakailan lang ay napanood ito sa Unang Hirit at Jessica Soho, napanood nyo ba? Sa ngayon ay may mga shooting na ginganap dito para sa pelikulang "Greatest Love" at "Bakit lahat ng gwapo may boyfriend". Kaya tignan nyo mabuti ang mga lugar kapag napanood nyo na ang pelikula ha.


Hindi lang naman pelikula at party ang pwedeng gawin dito. Matutuwa rin kayo kung makikita nyo ang kanilang dalawang "Infinity Pool" na ang isa ay may Jacuzzi pa. At mayroon din silang lagoon na may man-made falls kung nais ninyong mag-picnic.



Water adventures ba? mayroon din silang Jetski, Kayak at iba pa.


Wala na ngang hahanapin pa, tara na sa Greenery Baliwag!
Para sa iba pang detalye:
# 80 Rio Vista Subdivision
Sabang, Baliwag, Bulacan

for Banquet/ Pre-nup pictorial Reservation:
Sun mobile: +63922- 8275122

for Hotel/Accommodation Reservation:
Sun Mobile: +63922- 8275124

Email: info@thegreenery.ph

Thursday, September 22, 2016

Isang Pagsilip sa Munisipyo ng Baliwag



Isang Pagsilip 
sa Munisipyo ng Baliwag



     Nakapasok ka na ba sa munisipyo ng bayan ng Baliwag? Marahil ang iba sa inyo ay hindi pa, kaya nagpunta ako para siyasatin at mag-imbestiga kung ano na nga ang mga pagbabago. Inalam ko kung maganda ba at malinis ang ating munisipyo, kung maayos ba ang kanilang serbisyo at siyempre, kung hindi ba masungit ang mga empleyado. Handa na ba kayong malaman ang aking mga natuklasan? Siguro habang binabasa ito ng mga nagtratrabaho sa munisipyo o ang mga kamag-anak nila ay kinakabahan na kung ano ang natuklasan ko. Huwag kayong mag-alala dahil ang mga sasabihin ko ay pawang mga napuna ko lamang sa ating munisipyo at sa bawat departamento.



     Pagpasok ko pa lamang ay bumungad na sa akin ang napakagandang Information desk, malinis at maayos. Nagtanong ako sa information desk kung saan ang PESO office at sinabi niya sa akin ang bagong lokasyon ng naturang opisina. Nakangiti at magalang ang pagbati at pagsagot nila sa akin. 




     Sunod kong pinuntahan sa kaliwang banda ay ang Treasury Department na dito kumukuha ng Cedula at katabi nito ang para naman sa mga lupain, amilyar at iba pa. Katapat nito ang COMELEC office. Maayos at kitang kita kung ano nagaganap sa loob sapagkat ang mga bintana nito ay salamin.
  
Lumabas ako at tumungo sa bagong building sa likod ng munisipyo. Una kong napansin ang magandang dekorasyon at makaling TV (telebisyon). Sa pagpasok sa gawing kanan ay naroon ang Information desk nagtanong ako kung saan kumukuha ng prangkisa ng traysikel, at magiliw niya akong sinagot ng nakangiti at magalang. Pati naman ang katabi niyang lalaki sa information ay magalang din na sinabi kung nasaan ang pakay (natuwa ako, kahit halata namang mas matanda siya sa akin).

 



Sa paglalakad ko patungo sa mga opisina, napansin ko ang magandang mga lababo o "Washing Area" at palikuran o CR sa bawat palapag ng gusali. Sa bandang kanan matatagpuan ang opisina ng Business License at Tricycle Franchising o yung kuhanan ng prangkisa para sa Traysikel. Sa pagpasok sa kanilang opisina ay agad akong tinanong kung ano ang kailangan ko. Pinaupo agad ako sa kanilang tanggapan at sinagot ang mga tanong patungkol sa pagkuha ng prangkisa. Sa kanilang sistema ay alam kong magiging mabilis ang proseso.







     Ang sumunod ko namang tinungo ay ang PhilHealth at Senior Citizens Office. Pagdating ko sa kanilang tanggapan ay pinasulat ako sa registration form at sinabing maghintay na tawagin ang aking pangalan. Hindi nagtagal at pangalan ko na ang kanilang tinawag at magiliw nila akong pinagpaliwaganagan kung papaano magpa miyembro sa PhilHealth. Binigyan ako ng talaan ng mga dapat ipasa at ang PhilHealth form na kailangan kong punan.


     Bago pa man ako lumabas ay nakita ko ang Local Civil Registry Office. Nakita ko agad na nakaayos ang kanilang mga file, may tanggapan para sa mga magtatanong kung may hinahanap na mga record o tala ng kapanganakan, kasal at iba pa. Ang lahat kwarto sa gusali na ito ay may mga salamin na bintana. Lahat ay nagtratrabaho ng maayos upang mapaglingkuran ang mga mamamayan ng Baliwag. At bawal ang "Lagay" dito sa bayan ng Baliwag.





     Pati naman ang palikuran o Comfort Room ay hindi ko pinalagpas na hindi ko makuhanan ng litrato dahil ito ay napakalinis.








     Sa likod ay ang lugar kung saan maaring bayaran ang mga bagay na pinoproseso sa sa Munisipyo. Maayos at organisado ang proseso ngunit isa lang ang napansin ko. May mga nakaharang na mga motor sa kanilang tanggapan. Sana naman ay maiayos nila ang parking ng kanilang mga motor (Mga Sir mga Ma'am, sumunod po tayo sa tamang parking para hindi makaabala sa mga naglalakad ng papeles sa munisipyo.)




     Huli kong tinungo ang opisina ni Mayor Ferdie V. Estrella na nasa gawing itaas ng gusali. Malinis, mabango at air-conditioned rin ang lugar. Maraming nagaganap na pagpupulong sa lugar na ito. Ngunit ang mga tauhan at sekretarya ay magiliw akong tinanong tungkol sa aking pangangailangan. Masaya ang kapaligiran at hindi masungit ang mga tao. Isa pang napansin ko mula sa aking pagiikot, sila ay naka T-shirt na uniporme depende sa kanilang departamento. Madaling matukoy kung sila ay empleyado ng gobyerno dahil sila ay nakasuot ng mga ID o Identification Card.




     Pinaunlakan ako ng Municipal Administrator na si G. Enrique V. Tagle na makiupo at makinig kung ano ang kanilang pinaguusapan. Naabutan ko ang TWG o Technical Working Group na tinatalakay ang patungkol sa mga "Septic Tanks" dahil kadalasan itong problema para sa mga mababahong lugar. Mayroon na silang mga tala kung ilan ang may maayos na septic tank at mga lugar na wala at hindi nalilinis ng regular. Mahalaga itong usapin sapagkat nakasalalay dito ang kalinisan at kalusugan ng mga mamamayan ng bayan ng Baliwag. Alam ko na isa lang ito sa napakaraming gawain dito sa munisipyo.



     Sa aking pagpunta sa munisipyo ay nakita ko mismo kung gaano ka-seryoso sa pagbibigay ng serbisyong may malasakit ang ating Mayor at ang kanyang mga tauhan.. Talagang malaki ang pinagbago ng munisipyo pagdating sa kaayusan, kalinisan at sa serbisyo. Saludo po ako sa ating Mayor Ferdie V Estrella at sa mga namumuno ng bawat departamento!

May mga karanasan din ba kayo o puna sa ating munisipyo? Mag-komento na rito at tiyak na makararating ang bawat hinaing. Dahil ang Baliwagenyong may alam, ay Baliwagenyong may pakialam.





Monday, September 19, 2016

May LOAD sa Basura

May LOAD sa Basura


     Gusto nyo ba ng libreng LOAD para sa inyong mga cellphone kapalit ng basura? Paano naman magkakaroon ng libreng load mula sa basura? Hindi kayo nagkakamali sa inyong pagbabasa mga Baliwagenyo! Oo, pwede mo nang ipagpalit ang inyong mga basura para sa katumbas nitong credits o load para sa inyong cellphone. Sa pakikipagtulungan ng Globe Telecoms sa ating butihing Mayor Ferdie V Estrella, ay mabibigyang solusyon na ang lumalaking problema sa basura sa pamamagitan ng pagiipon at pagsisinop ng inyong mga basura.





     Halimbawa ng mga ito ay mga dyaryo, bote, basong plastic, boteng plastic at may katumbas itong mga halaga ng load. Kapag nakaipon na kayo ng mga bagay nabanggit ay maari na kayong magtungo at dalhin ang mga ito sa Menro Office (Municipal Environment and Natural Resources Office) sa BS Aquino St., Bagong Nayon, Baliuag. Maari ring i-follow ang kanilang facebook page para sa mga detalye https://www.facebook.com/menrobaliwag.


Sama sama nating linisin ang ating kapaligiran sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga programa at proyekto ng ating mayor. Matuto tayo na maghiwalay nga ating mga basura, laging tandaan, may LOAD sa basura!

Clean Up GO! National Clean-up Day

Clean Up GO! 
National Clean-up Day




     Kamakailan lang, Setyembre 17, 2016 (Sabado) ika-6 ng umaga ay muling ginanap ang National Clean-up Day. Kung may Pokemon GO na ang hanap ay mga Pocket Monsters, ang bayan ng Baliwag ay may Clean Up GO naman na ang pangunahing layunin ay ang paghahanap at palilinis ng mga basura sa mga irrigation canal, drainage canal at mga tapat ng ating bahay. Nakatuon din ito sa paglilinis ng ilog at mga tabing ilog. Ang kahabaan ng tabing-ilog ay tatamnan ng fire tree upang maging atraksyon pagdating ng panahon.





     Ang National Clean Up Day ay buwanang linisan sa ating bayan. Dinadaluhan ito ng mga kawani ng gobyerno, estudyante, mga guro, community volunteers at maging mga pribadong sektor. Isang proyekto ng serbisyong may malasakit sa pangunguna ni Mayor Ferdie V. Estrella. Ang nasabing Clean Up Go ay naganap sa Sabang, Tibag, Poblacion, San Jose at Tiaong na nasa tabi rin ng Angat River.






(Photo Credits to Mayor Ferdie V Estrella)

     Nakatutuwang pagmasdan na ang mga Baliwagenyo ay nagtutulungan para sa pagpapaganda at pagpapanatili ng kalinisan sa ating bayan. Ang trabaho ay gumagaan kung nagtutulungan, kaya't sa mga susunod pa na National Clean-Up Day ay makiisa tayo dahil hindi lang naman para sa atin ang paglilinis na ito kung hindi para sa susunod pang mga henerasyon. Hindi ba't isang magandang pamana ito sa ating susunod na henerasyon?

     Ituro rin natin sa ating mga anak ang kahalagahan ng paglilinis. Alamin ang lugar at schedule ng mga susunod pang paglilinis ng ating bayan. I-like ang Facebook page ng BaliwageKnow para sa susunod pang kaganapan dito sa ating bayan. www.Facebook.com/BaliwageKnow dahil ang Baliwagenyong may alam ay Baliwagenyong may pakialam.

Sunday, September 18, 2016

Puto Bumbong at Bibingka sa Heroes Park


Puto Bumbong at Bibingka 
sa Heroes Park


     Pagtungtong pa lang ng buwan ng Setyembre, dito sa Pilipinas ang may pinakamahabang selebrasyon ng kapaskuhan, lalo na rito sa ating bayan. Paano ba naman, kung makikita mo ang mga nagtitinda ng Puto Bumbong at Bibingka sa Heroes Park (sa bayan ng Baliwag) ay ramdam mo na ang kapaskuhan, hindi ba? Pag upo mo pa lang sa mga tindahan dito ay kaagad na aalukin at bibigyan ka ng mainit sa salabat o tsaa. Isang bagay na nakagawian na dito sa Baliwag. Naaalala ko na sa tuwing magpo-post ako ng larawan ng Puto Bumbong o Bibingka sa aking Instagram o Facebook account, agad akong tatanungin ng aking mga kaibigan kung bakit napaka-aga ng paglabas ng ganoong mga pagkain dito sa atin. Ang naisasagot ko lamang ay, "Ganito talaga dito sa Baliwag." Habang ang ilan ay naiingit dahil sa "Unlimited" na tsaa at salabat.





     Dito sa Heroes Park, ay may iba't ibang tindahan kung saan ka makakakain ng kani-kanilang espesyal na timpla ng puto bumbong at bibingka. Ang iba sa kanila ay may mga parokyano na. Ang Heroes Park ay nasa gilid lamang ng St. Augustine church kaya't kapag nagsimula na ang simbang gabi ay hindi narin magkamayaw ang mga bumibili rito.






    Kayo, nasubukan nyo narin bang kumain ng mga ganitong pagkain sa Heroes Park? May mga suki rin ba kayo na kinakainan? I-comment nyo na ang mga pictures at selfies ninyo habang kumakain ng puto bumbong at bibingka! Tara na sa Heroes Park!