CHEF BOB's BURGER
Flavors of the World in a Bun
Flavors of the World in a Bun
Siguro ay inyo nang napanood ang video ng aking pagpunta sa Chef Bob's Burger at aminin ninyo na marami sa inyo ang talagang natakam kahit sa mga larawan ng burger pa lang. Maraming tindahan ng mga masasarap na hamburger dito sa ating bayan, ngunit may isang pumukaw ng aking atensyon at gusto ko malaman kung ano ang kaibahan nila sa ibang gumagawa ng burger dito sa atin. Para sa mga hindi pa napapanood kung ano ang binabanggit ko na video, ito po iyon.
Dumayo ako sa Chef Bob's burger dito sa Baliwag na nasa loob ng A&C Building, B.S. Aquino Avenue. Masasabing kong maganda at maaliwas ang kanilang tindahan, hindi air-conditioned ngunit presko naman ang paligid na sinabayan pa ng malamig na simoy ng hangin habang ako'y naroroon bandang hapon.
Agad akong binigyan ng kanilang menu. Natakam ako sa lahat ng burger na nakita ko, sa menu pa lang nila kitang kita mo kung ano ang itsura at laman ng bawat oorderin mo. Sa pagkakataong iyon, gusto ko matikman kung ano ang kanilang "specialty". Maraming espesyal na burger, may malalaki pa ngang burger na tatlong patong ang "patty" pero pinili ko ang sa tingin ko ay tama lang sa akin dahil balita ko na malalaki ang burgers nila. Classic Cheese Burger ang napili ko dahil gusto ko malaman ang kaibahan nila sa ordinaryong cheese burger na akin nang natikman. Nagorder din ako ng "The Hangover Burger" - sa pangalan pa lang hindi ba't magiging interesado ka rin kung ano ang lasa nito? Ang kanilang Hungarian sausage raw ay masarap kaya akin din itong tinikman. Sawa na ba kayo sa ordinaryong French Fries? Mayroon silang Potato Wedges na napakamura, sulit ika nga! Naku, hindi ko na mahintay ang mga order ko.
Hindi ko na kayo bibitinin pa at ipakikita ko na sa inyo ang mga inorder ko.
Classic Cheese Burger - P115 |
Classic Cheese Burger - Hinati ko ito para makita rin ninyo ang nasa loob nito. |
The Hangover Burger - May itlog at bacon - P155 |
Cheesy Hungarian Sausage - P65 |
Potato Wedges - P95 |
At totoo nga... napaka laki at madami ang kanilang serving, talagang sulit ang ibabayad mo! Sa kanilang patty pa lang na "Half Pound" ay talagang mabubusog ka. Sa katunayan, sa sobrang laki ay kakailanganin ko pa ng tulong para maubos ito. Sariling recipe ng patty ang ibinebenta nila pati ang kanilang mga tinapay at cheese ay sila rin mismo ang gumagawa. Kaya makakasiguro tayo na walang preservatives o ibang pampalasa na nilalagay rito. 100% puro na beef o baka na pinong iginigiling at tiyak na bago ito araw araw. Niluluto ng walong minuto at pitong minuto naman pagkabaligtad ng mga niluto na patty. Bukod sa napakalaking burger ay ang kanilang Potato Wedges na sobrang masustansya dahil walang anumang ihinahalo dito kundi asin at basil. Eksakto ang lasa lalo na kung isasawsaw sa kanilang espesyal na dip. Para sa mga mahilig naman sa sausage ay mairerekomenda ko ang Cheesy Hungarian Sausage, bukod sa mura na, masarap pa! Hindi sila nagse-serve ng softdrinks o mga "de bote" dito dahil sinisiguro nilang masustansya ang mga inihahanda nila, kaya naman Iced Tea at Cucumber Lemonade ang kanilang inirerekomenda. Sobrang marami na akong natikman pero sa susunod ay siguradong babalikan ko ang iba pang klase ng burger at ang kanilang Buffalo Wings na kanila ring ipinagmamalaki.
Nakilala ko ang may ari ng Chef Bob's Burger na si Chef Bob DiƱo. Hindi ko na pinalampas ang pagkakataon na maitanong sa kanya kung paano siya nagsimula at kung ano ang sikreto ng kanyang negosyo. Ayon sa kanya, Marso 28, 2015 nang nagsimula siyang gumawa ng mga masasarap na burger sa kanila mismong bahay sa Milflora, sa isang araw pa lang ay nakakatanggap na siya ng mga orders. Kaya naman naisipan na niyang magtayo ng negosyo dito sa bayan ng Baliwag. Layon nya na maging unang tindahan ng burger na inyong maiisip kainan dahil sa masarap, hindi bitin, malaki ngunit sulit na burger sa inyong ibinabayad. Naisip nyo ba kung bakit tinawag na "Flavors of the World in a Bun"? Dahil sila ang nagseserve ng 18 na klase ng burger na kapareho ng lasa ng sa Indian, Mexican, Hawaian, Japanese, Vietnamese at iba pa. O di ba para ka nang nakakain sa ibang bansa kapag natikman mo ang mga ito!
Ano ang sikreto ni Chef Bob? Pagiging tapat sa Panginoong Diyos at sa mga tao. Dahil kung naging tapat ka sa ipinagkatiwala sa iyo ng Panginoong Diyos, walang paraan na hindi ka pagpapalain. Tapat sa mga tao sa paraan na sapat lang at hindi mahal ang mga ibinebenta nila, dahil naniniwala siya na kung tapat ka sa mga tao at hindi mahal ang presyo, siguradong babalik-balikan nila ang produkto mo. Sa ngayon ay mayroon na siyang sangay o branches sa Plaridel, Malolos at San Ildefonso. Nais din niyang magkaroon ng "Charity" o pagpapakain sa mga nangangailangan. Bilang pagbabahagi ng mga pagpapala ng Diyos sa kanyang negosyo at sa kanilang pamilya.
Para sa mga orders at deliveries, maaaring i-follow ang ang kanilang Facebook page:
https://www.facebook.com/bobsburgeronline/ o mag-text / tumawag sa
0917-8862312
Ang Chef Bob's Burger ay bukas Lunes - Sabado 1pm hanggang 11pm at Linggo 3pm hanggang 11pm
0917-8862312
Ang Chef Bob's Burger ay bukas Lunes - Sabado 1pm hanggang 11pm at Linggo 3pm hanggang 11pm
No comments:
Post a Comment