Isang Pagsilip
sa Munisipyo ng Baliwag
Nakapasok ka na ba sa munisipyo ng bayan ng Baliwag? Marahil ang iba sa inyo ay hindi pa, kaya nagpunta ako para siyasatin at mag-imbestiga kung ano na nga ang mga pagbabago. Inalam ko kung maganda ba at malinis ang ating munisipyo, kung maayos ba ang kanilang serbisyo at siyempre, kung hindi ba masungit ang mga empleyado. Handa na ba kayong malaman ang aking mga natuklasan? Siguro habang binabasa ito ng mga nagtratrabaho sa munisipyo o ang mga kamag-anak nila ay kinakabahan na kung ano ang natuklasan ko. Huwag kayong mag-alala dahil ang mga sasabihin ko ay pawang mga napuna ko lamang sa ating munisipyo at sa bawat departamento.
Pagpasok ko pa lamang ay bumungad na sa akin ang napakagandang Information desk, malinis at maayos. Nagtanong ako sa information desk kung saan ang PESO office at sinabi niya sa akin ang bagong lokasyon ng naturang opisina. Nakangiti at magalang ang pagbati at pagsagot nila sa akin.
Sunod kong pinuntahan sa kaliwang banda ay ang Treasury Department na dito kumukuha ng Cedula at katabi nito ang para naman sa mga lupain, amilyar at iba pa. Katapat nito ang COMELEC office. Maayos at kitang kita kung ano nagaganap sa loob sapagkat ang mga bintana nito ay salamin.
Lumabas ako at tumungo sa bagong building sa likod ng munisipyo. Una kong napansin ang magandang dekorasyon at makaling TV (telebisyon). Sa pagpasok sa gawing kanan ay naroon ang Information desk nagtanong ako kung saan kumukuha ng prangkisa ng traysikel, at magiliw niya akong sinagot ng nakangiti at magalang. Pati naman ang katabi niyang lalaki sa information ay magalang din na sinabi kung nasaan ang pakay (natuwa ako, kahit halata namang mas matanda siya sa akin).
Sa paglalakad ko patungo sa mga opisina, napansin ko ang magandang mga lababo o "Washing Area" at palikuran o CR sa bawat palapag ng gusali. Sa bandang kanan matatagpuan ang opisina ng Business License at Tricycle Franchising o yung kuhanan ng prangkisa para sa Traysikel. Sa pagpasok sa kanilang opisina ay agad akong tinanong kung ano ang kailangan ko. Pinaupo agad ako sa kanilang tanggapan at sinagot ang mga tanong patungkol sa pagkuha ng prangkisa. Sa kanilang sistema ay alam kong magiging mabilis ang proseso.
Ang sumunod ko namang tinungo ay ang PhilHealth at Senior Citizens Office. Pagdating ko sa kanilang tanggapan ay pinasulat ako sa registration form at sinabing maghintay na tawagin ang aking pangalan. Hindi nagtagal at pangalan ko na ang kanilang tinawag at magiliw nila akong pinagpaliwaganagan kung papaano magpa miyembro sa PhilHealth. Binigyan ako ng talaan ng mga dapat ipasa at ang PhilHealth form na kailangan kong punan.
Pati naman ang palikuran o Comfort Room ay hindi ko pinalagpas na hindi ko makuhanan ng litrato dahil ito ay napakalinis.
Huli kong tinungo ang opisina ni Mayor Ferdie V. Estrella na nasa gawing itaas ng gusali. Malinis, mabango at air-conditioned rin ang lugar. Maraming nagaganap na pagpupulong sa lugar na ito. Ngunit ang mga tauhan at sekretarya ay magiliw akong tinanong tungkol sa aking pangangailangan. Masaya ang kapaligiran at hindi masungit ang mga tao. Isa pang napansin ko mula sa aking pagiikot, sila ay naka T-shirt na uniporme depende sa kanilang departamento. Madaling matukoy kung sila ay empleyado ng gobyerno dahil sila ay nakasuot ng mga ID o Identification Card.
Pinaunlakan ako ng Municipal Administrator na si G. Enrique V. Tagle na makiupo at makinig kung ano ang kanilang pinaguusapan. Naabutan ko ang TWG o Technical Working Group na tinatalakay ang patungkol sa mga "Septic Tanks" dahil kadalasan itong problema para sa mga mababahong lugar. Mayroon na silang mga tala kung ilan ang may maayos na septic tank at mga lugar na wala at hindi nalilinis ng regular. Mahalaga itong usapin sapagkat nakasalalay dito ang kalinisan at kalusugan ng mga mamamayan ng bayan ng Baliwag. Alam ko na isa lang ito sa napakaraming gawain dito sa munisipyo.
Sa aking pagpunta sa munisipyo ay nakita ko mismo kung gaano ka-seryoso sa pagbibigay ng serbisyong may malasakit ang ating Mayor at ang kanyang mga tauhan.. Talagang malaki ang pinagbago ng munisipyo pagdating sa kaayusan, kalinisan at sa serbisyo. Saludo po ako sa ating Mayor Ferdie V Estrella at sa mga namumuno ng bawat departamento!
May mga karanasan din ba kayo o puna sa ating munisipyo? Mag-komento na rito at tiyak na makararating ang bawat hinaing. Dahil ang Baliwagenyong may alam, ay Baliwagenyong may pakialam.
No comments:
Post a Comment