Thursday, December 8, 2016

CABALEN Restaurant - SM City Baliwag


   Mahilig tayong mga Pinoy na kumain. Halos lahat na yata ng mga bagong kainan ay sinusubukan. Pati naman ang mga Fiestahan ay hindi pinalalampas. Kabi-kabilaang fiestahan at handaan ay dinarayo. Dito sa SM City Baliwag ay nakita ko ang isang kainan na animo'y fiesta lagi. Ang CABALEN Restaurant. Masarap na kainan na puro putaheng Pinoy ang iyong makikita. Ikaw, ano ba ang paborito mong putahe?

Warning: ang mga ipapakita ko sa inyo ay talaga namang nakakatakam, kaya pinapayuhan ko kayo na matapos ninyong basahin ang blog ko ay bisitahin na sila upang matikman ang mga ibibida ko sa inyo rito. Narito ang ginawa kong video para makita ninyo Cabalen Restaurant. 


     Ang Cabalen ay isang Eat-All-you-Can buffet kung saan sa presyong 298 ay makakain mo na lahat ng gusto mong kainin at kahit pabalik balik ka pa sa kanilang buffet table ay sige lang.. sabi nga ng mga kabataan, "Lafang lang ng Lafang!" 


     Pagkita ko pa lamang ng kanilang Buffet table ay hindi ko malaman kung ano ang aking uunahing tikman. Hmmm dahil tanghalian na ay kailangan ko kumain ng kanin. Kanin pa lamang nila ay dalawang klase, may kanin na regular at isang espesyal na BERINGHE. Kaunti lamang ang kinuha ko dahil alam ko mabubusog kaagad ako sa pagkain ng Behinghe dahil siksik sa sahog, sa tingin ko nga, ito pa lamang ay mabubusog na ako dahil sakto ang kanyang lasa. Papalampasin ko ba naman na hindi matikman lahat? Syempre naman eat-all-you-can ang aking pinuntahan, kaya susulitin ko na at panandaliang kalimutan muna ang salitang "diet."

Beringhe
   Mula sa mga sizzling na sisig (bangus, pork at iba pa) ay mayroon din silang mga inihaw na isda, mga appetizers na talaga namang gaganahan ka kumain kapag nakita mo ang kanilang napaka lutong na Crispy Kangkong, Tokwa, Togue at may Vegetable salad din sila na ikaw na mismo ang gagawa kung anong gulay ang nais mong ilagay. Tayong mga Pinoy ay mahilig sa sawsawan kaya naman marami kang sawsawan na mapagpipilian ayon sa iyong panlasa.
 



     Tumungo naman ako sa lugar kung saan nakalagay ang Dinuguan na para sa akin ay perpekto ang pagkakaluto, tama lang ang asim (naka ilang balik nga ako para sa dinuguan). Laing na lasang lasa ang gata ng niyog at napakasarap. Ang kanilang Pochero ay manamis-namis ang lasa, sa tingin ko ay dahil ito sa sangkap na saging na saba at mais. Malambot din ang baka. Talaga namang masisimot mo hanggang sa buto. Mayroon din silang Ginataang Kuhol. Isa lang napansin ko rito, kapag sinabing "Ginataan" ang hindi tinitipid ang gata at talagang sagana sa gata ng niyog, kaya naman napaka sarap ng mga lutuin na ito. 
Dinuguan

Laing

Pochero

Ginataang Kuhol
     Mayroon din silang Caldereta, Kare-Kare na may kapares na bagoong. Hindi ko na iisa-isahin pa dahil alam ko naman na ngayon pa lamang ay natatakam na kayo sa mga ikinukuwento ko sa inyo, idagdag pa ang video at pictures na ipinakita ko sa inyo.


     Panghimagas o dessert ba? May Halo-Halo sila rito na ikaw mismo ang maglalagay kung ano-ano ang gusto mong isahog. Ginataang Mais, Kusilbang kamoteng-kahoy, Palitaw, Bico, prutas at mayroon pang chocolate fountain para sa marshmallows o prutas.





Talaga namang sulit ang kumain dito lalo na kung talagang magana kang kumain. Sa halagang 298 pesos ay busog na busog na. Kung nais ninyong makatipid, mayroong promo ang Cabalen ngayon na halagang 250 pesos lamang ang Eat-All-You-Can Buffet mula Lunes hanggang Biyernes sa mga oras na nakalagay sa kanilang poster. 


Ano pang hinihintay ninyo, sugod na sa Cabalen Restaurant sa Ground Floor ng SM City Baliwag ngayon!



Wednesday, December 7, 2016

Biyahe Tayo! : SavourLife Mushroom Farm


     Mahilig ba kayong kumain ng mushroom o kabute? Maaring ang ilan sa atin ay kumakain ng kabute ngunit hindi alam kung ano-ano ang makukuha nating sustansya mula dito. Alam ninyo bang mayroong mahigit na 10,000 na uri ng kabute sa buong mundo. Ang ilan sa mga ito ay maaring kainin at ang iba ay nakalalason.

     Sa aking paglilibot sa bayan ng Baliwag ay nakita ko sa Baliwag Pasalubong Center and isang booth na pumukaw ng aking paningin. Ang booth ng SavourLife (Organic Mushroom and Growing Supplies). Sa unang tingin ay hindi ko maiwasan na hindi usisain ang nagmamay-ari ng mga ito tungkol sa mga mushroom na nasa kanyang display. Si Ma'am Diwata Manguerra - Bautista ang nagbigay sa akin ng kaunting kaalaman patungkol sa mga kabute o mushroom. 


     Nabitin ako sa aming pagkukuwentuhan, kaya naman nagsadya ako sa kanyang mushroom farm sa Parulan, Plaridel, Bulacan upang makita kung paano niya ito inaalagaan at pinaparami. Naabutan ko siya na naghahanda para magtanim ng kanyang mga kabute. At siyempre kinuha ko na ang oportunidad upang maipakita nya sa akin ang pinaglalagyan ng mga ito. Pinatuloy nya ako sa isang animo'y kamalig kung saan naroon ang mga taniman ng kabute na napakaayos na nakasabit ng naka hilera sa mga lubid. Bawat lugar sa loob nito pala ay may mga stages ng pagpapalaki ng mga kabute upang malaman niya kung gaano na ka-mature ang mga ito. Napapalibutan ng mga screen at makapal na katsa ang lugar na ito. Alam nyo ba kung bakit? Hindi pala pwede na sobrang mahangin sa loob ng kanyang taniman. Inaalagaan nya rin ang tamang temperatura sa loob nito. Kapag sobrang mainit ang panahon, kanya daw binabasa ang paligid ng taniman nya para mapanatili ang humidity. Dalawang klase ang kanyang pinapatubo rito, ang Oyster mushroom at ang Milky mushroom. 







     Maraming proseso ang pagpaparami ng mga kabute pero sa tingin ko ay napakasaya at magiging accomplishment ito kapag naging maganda ang mga bunga nito. Ano-ano nga ba ang makukuha natin mula sa pagkain ng mga kabute? Ang mga kabute ay mabisang panlunas sa mga Cancer at Diabetes. Nakakapagpababa rin ito ng kolesterol sa katawan. Pwede rin sa mga gustong mag diet at nakakapaglakas ng ating immune system laban sa mga sakit. Kaya naman lalo ako namangha at gusto kong matutunan kung paano ako makakapagsimula sa  pagpapalaki ng mga kabute. 

     Nagkakaroon ng seminar si Ma'am Diwata tungkol sa pagpaparami at pagaalaga ng mga kabute. Isang araw ng hands-on na training kung paano gumawa ng binhi, paramihin at kung paano maaaring kumita sa pamamagitan ng mga kabute. Narito ang mga detalye:


SAVOURLIFE
Organic Mushroom & Growing Supplies

Hands-on Training on Home Grown Mushroom
Date: December 10, 2016
Time: 9:00am to 5:00pm
Venue: KLIR Waterpark Resort
(Kabilang Bakood, Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan)

Para magpa-reserve ng inyong slot para sa training na ito, tumawag o magtxt lamang:
Ms. Diwata Manguerra-Bautista
0923-3976564 / 0923-4630019 


Matuto at magkaroon ng pangkabuhayan galing sa mga mushroom o kabute. 




Monday, December 5, 2016

KALAHI : Pastillas de Leche


     Nagkaroon na ba kayo ng mga bagay o gamit na naipamana sa inyo ng inyong mga magulang o kaanak? Paano ninyo ito pinahahalagahan? Maari itong itago o pagyamanin hindi ba? Bakit ko nasasabi ito? Sa aking paglilibot sa bayan ng Baliwag ay isang produkto na ipinamana o ipinasa ang natuklasan ko. Narito na ang kwento ng KALAHI Pastillas de Leche.

     Narinig nyo na ba ang "Dugong Baliwag, Pusong Baliwag" song? Halos lahat ng maipagmamalaki at naging tatak na ng bayan ng Baliwag ay inilagay sa kanta na iyon. Ito ay upang ipaalala sa ating lahat ang ating mayaman na kultura at kasaysayan. Isa sa nabanggit ang KALAHI Pastillas. Natikman nyo na ba ito? Narito ang ilan sa linya ng kantang iyon.


     Pumunta ako sa kanilang tindahan Balagtas St., sa barangay Sto. Cristo, Baliwag, kung saan, doon narin nila niluluto at binabalot. Ang tanging sangkap ng kanilang masarap na pastillas ay purong gatas ng kalabaw at asukal lamang. Ilang beses ko na ito natikman at hindi nakakasawa ang lasa, hindi masyadong matamis at hindi ito madaling masira. Matagal itong niluluto para tumagal ng sampung araw (10 days) ang Pastillas kahit na hindi nailagay sa refrigerator. Habang pinapanood ko ang kanilang paggawa at pagbalot ng mga masarap na pastillas, hindi ko mapigilang mag-usisa sa may ari na si Ma'am Emelita Canasa o "Tita Aga" sa mga malalapit sa kanya. Ang paggawa ng pastillas ay minana pa niya sa kanyang ama na magmula 1950's pa nagluluto at nagbebenta nito. Lumuluwas pa ang kanyang ama para lamang maibenta ang mga pastillas sa sa tindahan sa Maynila. Hanggang sa ituro ito sa kanilang magkakapatid ang paraan ng paggawa nito. 




     Magpa hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang recipe at paraan ng paggawa nila ng masarap na pastillas de leche. Wala naman silang tindahan noon at nagrarasyon lamang sa mga tindahan at paaralan. Pero ang tatak KALAHI ay nakilala dito sa ating bayan. Bakit Kalahi? Ipinangalan ito ng kanyang ama sa kanilang pastillas dahil naniniwala ang kanyang ama na ang kanilang produkto ay magpapasalin-salin ng lahi at henerasyon hanggang sa mga apo ninyo ay matitikman pa rin ang sarap ng pastillas de leche ng Kalahi. 


     Sa aking pag-interview kay Tita Aga ay naging isang inspirasyon ito para sa akin, at sana sa inyo rin, na kahit gaano man kaliit ang pinag-umpisahan na nagosyo, kapag ito ay inyong inalagaan ay siguradong makikilala at magpapasalin-salin hanggang sa susunod na henerasyon. Sa kasalukuyan, ang kanilang produkto ay mabibili sa Balastas, St., Sto Cristo, Baliwag at sa Baliwag Pasalubong Center.  



KALAHI Pastillas de Leche
  • Balagtas St., Sto Cristo, Baliwag, Bulacan
             (044)761-0050
             09328697947 / 09231631309
  • Baliwag Pasalubong Center (Farmers Trading Center - near SM City Baliwag



Friday, December 2, 2016

PRINTS CHARMING - Print Shop


Gusto nyo ba ng personalized na gamit? Sarili mong design at logo sa damit at iba pa? Gusto mong mag-design, pero hindi ka marunong? May solusyon na dyan mga Baliwagenyo!

Maski naman ako ay nahihirapan rin na pagandahin ang napaka simple kong logo. Nagpunta ako sa PRINTS CHARMING print shop na nasa #6 Lyon Arcade, Plaza Naning, Baliwag (sa loob ng pasillo na napapagitnaan ng Jollibee at Greenwhich Baliwag-bayan) at nagpatulong ako pagandahin ang logo ko para mailagay ko sa aking t-shirt at iba pang gamit na maari kong ipang regalo sa mga kaibigan at mga followers ko. Nakita nyo na ba ang simpleng logo ni BaliwageNews? Kung hindi pa, ito po iyon.. at tignan ninyo kung paano nila napaganda ito.
Ohh hindi ba at napaka simple?

Pagdating ko roon ay nakita ko na maraming nagpapagawa sa kanila, mga t-shirts, imbitasyon sa kasal, birthday, mug, bags, mga tatak sa uniporme at iba pa. Dalawa naman ang kanilang Graphic Artist / Designers na nakilala kong sina Marc at Marlowe kaya naman ang mga nagpapagawa rito ay kadalasan na maari na lang hintayin ang kanilang ipinapagawa (depende sa dami). 



May iba-iba silang paraan kung papaanong ang mga gusto mong design ay mailalagay sa mga paborito mong gamit. Transfer, Sublimation, at Vinyl. Sinubukan kong ipalagay ang aking logo sa kulay puti na Tshirt at ginamitan nila ito ng "Sublimation". At ito ang kinalabasan! 

Para naman sa de kolor na t-shirt ay Transfer ang inirekomenda nila, at ganito naman ang kinalabasan. Hindi ba't maganda? Ang simple kong logo ay talaga namang napaganda nila.


May nakita ako sa kanilang shop na kulay itim na mug, at sabi nila ay magic mug raw ito. Hmmm gusto ko masubukan at makita kung pano nila ito ginagawa, Hindi ako nabigo, namangha ako, ang ganda ng pagkakagawa, magic nga talaga! Tignan nyo ang video ko.



Nakilala ko ay may ari ng shop na si Ms. Aleli Canoza. Nagsimula ang kanyang print shop noong August 8, 2016. Ipinagmalaki nya sa akin na sa kanila ginawa ang mga uniporme ng mga traffic enforcers, ibang sangay ng munisipyo, mga miyembro ng TODA at iba pa. Sa sobrang dami nga ng mga bagay na pwede nila malagyan ng print at hindi ko na maisip kung ano ang gusto ko. Parang gusto ko lagyan lahat ng personalized na tatak ang gamit ko. May iba-ibang klase sila ng bag, keychain, mug, bottle opener, tumblers, pamaypay, sumbrero, at marami pang iba. Kaya magiisip ka pa ba ng ipang reregalo o giveaways para sa mga birthday, kasal, binyag, debut at iba pang okasyon? Magsadya lamang sa shop nila. Tutulungan ka nilang gawing espesyal ang mga gamit mo. Maraming salamat Prints Charming sa pagpapaganda ng aking logo at mga personalized kong gamit. 


09226110100 (SUN) 09057039916 (TM/GLOBE)

Thursday, December 1, 2016

Tickets ng ABL, dinagsa sa Baliwag Star Arena!


Sa Disyembre 4, 2016 ganap na ika- 8 ng gabi, dito sa sating bayan ng Baliwag napiling ganapin ang laban ng ABL o ASEAN Basketball League. Ang koponan ng Pilipinas na ALAB PILIPINAS ay makakalaban ang KAOHSHIUNG TRUTH ng Taiwan na kamakailan lamang ay naibalita ko na sa aking blog. Ang blog ko na 'yon ay mababasa ninyo DITO

Dahil libre itong mapapanood, mamimigay ng libre na ticket ang ating munisipyo upang hindi mapuno ng husto o maging overcrowded ang Baliwag Star Arena. Nag-anunsyo ng takdang araw para makuha ang mga libreng tickets at ito ang nasaksihan ko sa Star Arena kanina lamang. 




Maaga pa lamang ay nakapila na ang mga tao na nais makakuha ng ticket. Matyaga silang pumila at naghintay. Ang iba nga ay maaga pang dumating kaysa tinakdang oras. Halatang ang mga Baliwagenyo ay mahilig sa larong basketball dahil maski naman mga senior citizens, mga nanay na may karga pang anak at pati maging estudyante na papasok pa yata sa kanilang klase ay nakipila na rin. Paano ba naman, magiging isa ito sa kasaysayan ng Baliwag na dito nakapaglaro ang koponan ng Pilipinas. Kaya para masuportahan natin sila, hinihiling ng ating Mayor Ferdie V Estrella na tayong lahat ay magsuot ng puti para maipakita natin ang pasuporta sa mga manlalaro ng Pilipinas.  


Ikaw, nakakuha ka na ba ng ticket? Samantala, Narito ang mga hindi dapat dalhin sa loob ng ating Baliwag Star Arena. Kita kita po tayong lahat at supportahan natin ang ALAB PILIPINAS!