Mahilig tayong mga Pinoy na kumain. Halos lahat na yata ng mga bagong kainan ay sinusubukan. Pati naman ang mga Fiestahan ay hindi pinalalampas. Kabi-kabilaang fiestahan at handaan ay dinarayo. Dito sa SM City Baliwag ay nakita ko ang isang kainan na animo'y fiesta lagi. Ang CABALEN Restaurant. Masarap na kainan na puro putaheng Pinoy ang iyong makikita. Ikaw, ano ba ang paborito mong putahe?
Warning: ang mga ipapakita ko sa inyo ay talaga namang nakakatakam, kaya pinapayuhan ko kayo na matapos ninyong basahin ang blog ko ay bisitahin na sila upang matikman ang mga ibibida ko sa inyo rito. Narito ang ginawa kong video para makita ninyo Cabalen Restaurant.
Ang Cabalen ay isang Eat-All-you-Can buffet kung saan sa presyong 298 ay makakain mo na lahat ng gusto mong kainin at kahit pabalik balik ka pa sa kanilang buffet table ay sige lang.. sabi nga ng mga kabataan, "Lafang lang ng Lafang!"
Pagkita ko pa lamang ng kanilang Buffet table ay hindi ko malaman kung ano ang aking uunahing tikman. Hmmm dahil tanghalian na ay kailangan ko kumain ng kanin. Kanin pa lamang nila ay dalawang klase, may kanin na regular at isang espesyal na BERINGHE. Kaunti lamang ang kinuha ko dahil alam ko mabubusog kaagad ako sa pagkain ng Behinghe dahil siksik sa sahog, sa tingin ko nga, ito pa lamang ay mabubusog na ako dahil sakto ang kanyang lasa. Papalampasin ko ba naman na hindi matikman lahat? Syempre naman eat-all-you-can ang aking pinuntahan, kaya susulitin ko na at panandaliang kalimutan muna ang salitang "diet."
Beringhe |
Mula sa mga sizzling na sisig (bangus, pork at iba pa) ay mayroon din silang mga inihaw na isda, mga appetizers na talaga namang gaganahan ka kumain kapag nakita mo ang kanilang napaka lutong na Crispy Kangkong, Tokwa, Togue at may Vegetable salad din sila na ikaw na mismo ang gagawa kung anong gulay ang nais mong ilagay. Tayong mga Pinoy ay mahilig sa sawsawan kaya naman marami kang sawsawan na mapagpipilian ayon sa iyong panlasa.
Tumungo naman ako sa lugar kung saan nakalagay ang Dinuguan na para sa akin ay perpekto ang pagkakaluto, tama lang ang asim (naka ilang balik nga ako para sa dinuguan). Laing na lasang lasa ang gata ng niyog at napakasarap. Ang kanilang Pochero ay manamis-namis ang lasa, sa tingin ko ay dahil ito sa sangkap na saging na saba at mais. Malambot din ang baka. Talaga namang masisimot mo hanggang sa buto. Mayroon din silang Ginataang Kuhol. Isa lang napansin ko rito, kapag sinabing "Ginataan" ang hindi tinitipid ang gata at talagang sagana sa gata ng niyog, kaya naman napaka sarap ng mga lutuin na ito.
Dinuguan |
Laing |
Pochero |
Ginataang Kuhol |
Mayroon din silang Caldereta, Kare-Kare na may kapares na bagoong. Hindi ko na iisa-isahin pa dahil alam ko naman na ngayon pa lamang ay natatakam na kayo sa mga ikinukuwento ko sa inyo, idagdag pa ang video at pictures na ipinakita ko sa inyo.
Panghimagas o dessert ba? May Halo-Halo sila rito na ikaw mismo ang maglalagay kung ano-ano ang gusto mong isahog. Ginataang Mais, Kusilbang kamoteng-kahoy, Palitaw, Bico, prutas at mayroon pang chocolate fountain para sa marshmallows o prutas.
Talaga namang sulit ang kumain dito lalo na kung talagang magana kang kumain. Sa halagang 298 pesos ay busog na busog na. Kung nais ninyong makatipid, mayroong promo ang Cabalen ngayon na halagang 250 pesos lamang ang Eat-All-You-Can Buffet mula Lunes hanggang Biyernes sa mga oras na nakalagay sa kanilang poster.
Ano pang hinihintay ninyo, sugod na sa Cabalen Restaurant sa Ground Floor ng SM City Baliwag ngayon!
No comments:
Post a Comment