Monday, December 12, 2016

Eco-Lamp Christmas Tree

Eco-Lamp Christmas Tree
Paskong Pasko na sa Baliwag

    Nakita na ba ninyo ang malaking Christmas Tree sa ating Heroes Park? Inilawan ito noong December 5, 2016. Alam niyo ba kung ano-ano ang mga ginamit na materyales para dito? Hindi basta-basta ang Eco-Lamp Christmas Tree na ito. Bakit? Narito ang mga detalye para sa inyong kaalaman.

     Isang proyekto ng Municipal Environment and Natural Resources o MENRO ang ating Eco-Lamp Christmas Tree na may layong gawing kapaki-pakinabang ang mga kalat sa ating paligid, at mabigyan ng mapagkakakitaan ang bawat pamilya na nakiisa. Ang ating "Giant Christmas tree" na may 32 feet na taas at may 450 na piraso ng Eco-Lamp na nakapalibot ay pinagtulung-tulungang mabuo ng MENRO at ng dalawampu't lima (25) na pamilya.  Sa mga nakakita na ng ating Christmas Tree, narito at bibigyan ko kayo ng kaunting kaalaman at mamangha kung paano at saan nanggaling ang mga kagamitan upang mabuo ito.







     Para makabuo ng 450 na Eco-Lamps, gumamit ng 35,000 piraso ng used o gamit nang plastic spoon at fork na nanggaling sa McDonald's Baliwag-Bayan at McDonald's SM City Baliwag. Para sa iba pang gamit, nakalikom ng 450 piraso ng used 1.5 liters plastic bottles mula sa mga sumusunod na paaralan:


Living Angels Christian Academy
Baliwag South Elementary School  
Gardeners Field School 
Catulinan Elementary School 
Immaculate Concepcion School of Baliuag 
Pinagbarilan Elementary School
Tiaong Elementary School
Fernandez College
Marian College
BCCSI (Bulacan College of Computer Science Inc.)

Ang mga ilaw naman na nagpaganda at nagpatingkad rito ay galing sa mga sumusunod na establisimyento:


Baliwag Transit Inc.
Hapchan
Waterwood Park
Gloria Romero's Restaurant
La Familia
AA Saver's Mart

     Maraming mga Bulakenyo ang nag-abang na masilayan ang pagsindi ng Giant Christmas Tree sa Heroes Park at Glorietta Park. Sinimulan ito ng isang programa kung saan naghandong muna ng awitin ang ilan nating kababayan gaya ng grupong Himig ni San Agustin Choir, nagbigay rin ng awitin si Arvie Esguerra, at hindi rin nagpahuli ang mga mang-aawit ng Municipal Choir. Nagsalita rin ang ating butihing Mayor Ferdie Estrella hatid ang maagang pagbati nya ng isang maligayang Pasko sa mga Baliwagenyo! Gusto ninyong masilip ang kaganapan na ito? Narito ang ilan sa naging programa at pagsisindi ng Giant Christmas Tree. 


     Inabangan ng lahat ang pagbilang ng emcee. Lahat ay nagbilang... 10, 9, 8. 7, 6, 5, 4, 3, 2, 1! At inilawan na nga ang Giant Christmas Tree ng Baliwag! Namangha ang lahat at kapansin-pansin na hindi magkamayaw ang mga Bulakenyo sa pagse-selfie at groupfie sa harapan ng Giant Christmas Tree. Ang ilan ay nakasama pa nga ang ating Mayor sa mga pictures. Masayang masaya ang lahat, ito na nga ang hudyat na Paskong Pasko na sa Baliwag!




Magiliw si Mayor Ferdie sa mga bata, kaya naman pati ang mga batang paslit ay hindi nya pinalampas at nagpalitrato rin siya kasama ang mga ito.
Maligayang Pasko Baliwagenyo!






No comments:

Post a Comment