Kaway kaway sa mga fan ng Basketball! Magandang balita mga Baliwagenyo, dahil ang ating Baliwag Star Arena ay napili ng ABL o Asean Basketball League upang dito ganapin ang kanilang laro sa darating na Disyembre 4, 2016 sa ganap na ika-8 ng gabi. Suportahan natin ang "ALAB PILIPINAS" laban sa "Kaohsiung Truth." Libre po natin itong mapapanood.
Narito po ang lineup ng koponan ng Pilipinas - "ALAB PILIPINAS"
1. BOBBY RAY PARKS JR. (6'4") 2. PAULO HUBALDE (6'0") 3. VAL ACUNA (6'3") 4. JR CAWALING (6'3") 5. ROBBY CELIZ (6'4") 6. JERIC FORTUNA (5'8") 7. HANS THIELE (6'5") 8. ANTHONY GAVIERES (6'4") 9. JENS KNUTTLE (5'11") 10. IGEE KING (6'1") - ASEAN Heritage import 11. LAWRENCE DOMINGO (6'5") - ASEAN Heritage import 12. LEE SUENG JUN aka Eric Lee Sandrin (6'8") - World Import 13. LEE DONG JUN aka Daniel Sandrin (6'5")- World Import Head Coach: MAC CUAN
Photo Credits: TeamPilipinas.info
At para naman sa mga sumusubaybay ng laro, narito ang kanilang schedule:
November 27, 2016 (8:00pm) Alonte Sports Arena - Biñan, Laguna Alab Pilipinas vs. Singapore Slingers (Live on ABS-CBN S+A)
December 4, 2016 (8:00pm) The Star Arena Baliwag Gym - Baliuag, Bulacan Alab Pilipinas vs. Kaohsiung Truth
December 11, 2016 (8:00pm) Venue: TBA Alab Pilipinas vs. Kaohsiung Truth
December 18, 2016 (4:00pm) OCBC Arena - Singapore Singapore Slingers vs. Alab Pilipinas
December 23, 2016 (8:00pm) Venue: TBA Alab Pilipinas vs. Saigon Heat
January 8, 2017 (3:00pm) I-Shou University - Kaoshiung, Taiwan Kaohsiung Truth vs. Alab Pilipinas
January 13, 2017 (8:00pm) Alonte Sports Arena - Biñan, Laguna Alab Pilipinas vs. Singapore Slingers
January 15, 2017 (2:30pm) Venue: TBA Westports Malaysia Dragons vs. Alab Pilipinas
January 22, 2017 (2:00pm) Southorn Arena - Hong Kong Hong Kong Eastern Long Lions vs. Alab Pilipinas
February 5, 2017 (8:00pm) Almendras Gym - Davao City Alab Pilipinas vs. Saigon Heat
Suportahan natin ang ALAB PILIPINAS! Kita kita tayo mga Baliwagenyo!
Mahalaga ang tamang nutrisyon lalong lalo na sa mga bata. Kaya naman sa kanilang murang edad ay marapat lamang na sila ay pakainin ng mga masusustansyang pagkain. Lunes, Nobyembre 21, 2016, matapos ang Flag Ceremony sa munisipyo ay ipinakita ni Ginang Josephine Labasbas ang mga bagong kagamitan na gagamitin ng mga Daycare students para sa kanilang feeding program. Naglalaman ito ng mga pinggan at baso para sa 27 na barangay daycare centers sa buong bayan ng Baliwag, at ito ay ipinagkaloob ng DSWD Regional Office.
Ang mga kahon kahong mga handog na ito ay binuksan at ipinakita sa ating Mayor Ferdie V. Estrella. Bakas ang kasiyahan sa mga daycare center teachers para sa mga handog na ito. Panigurado ay mas magiging excited rin ang mga bata na siyang gagamit ng mga bagong pinggan at baso na ito. Maraming salamat sa DSWD Regional Office.
Ano ba ang binabalik-balikan sa isang kainan, restaurant o karinderya? Hindi ba't kung masarap ang pagkain, malinis na paligid, malinis na paghahanda ng pagkain, at siyempre, kung mura ba ang mga pagkain rito. Isa na namang kainan ang napuntahan ni BaliwageNews, masarap na, malinis at mura pa. Ang tinutukoy ko ay ang Food Bridge na nasa C.L Hilario Highway, Tibag, Baliwag. Madali itong makita dahil nasa bukana ng tulay lamang ito na nagdudugtong sa Baliwag at Bustos, kaya rin ito pinangalanang Food Bridge. Nagbukas ito noong March 10, 2016. Simple lang ang lugar, hindi air-conditioned. Napansin ko na marami ang dito ay kumakain, kaya naman naengganyo ako na alamin kung ano ang mayroon sa kanilang kainan at kung bakit lagi itong matao. Ilang beses ko itong binalik-balikan para matikman ang lahat ng kaninang mga specialty. Halos lahat yata ay specialty nila! Sa mga hindi pa nakikita ang video teaser ng aking pagbisita sa Food Bridge, narito po at panoorin nyo.
Warning: Baka magutom sa pagtingin ng pagkain.
Gusto nyo ba malaman kung alin ang masarap? magkano ang mga ito? tutok lang dahil ikukwento ko na. Iisa-isahin ko sa inyo.
Special Lomi - 60 pesos
Nagulat ba kayo na ang presyo lamang lomi ay 60 pesos? Oo! Isa itong maliit na kawali at doon nakalagay ang ise-serve nila na mainit na Lomi. Pwede ito sa dalawa o hanggang tatlong tao na magsasalo para maubos ito. Malasa ang sabaw, busog sa mga sahog at ihahain ng bagong luto. Nakakabusog at sulit sa budget.
Rating: ⭐⭐⭐⭐⭐
Pancit Canton / Bihon - 60 pesos
Ang kanilang pansit canton at bihon ay nilalamanan ng mga gulay at lechon kawali ang toppings. Malutong ang kanilang lechon kawali na sobrang nagustuhan ko. (Alam ko marami rin ang makakagusto nito!) Tama lamang ang lasa at hindi masyadong maalat. Pwede sa dalawa hanggang tatlong tao ang kanilang serving sa halagang 60 pesos lamang. Isa pang maaring pagsaluhan ng pamilya at magbabarkada.
Rating: ⭐⭐⭐⭐⭐
Chow Fan - 60 pesos
Para sa mga maraming gutom! Pwede nang kahit hindi mag ulam, dahil ang chow fan nila ay malasa na kaya wala ka nang hahanapin pa. Hindi masyadong mamantika at hindi masyadong maalat, tamang tama lang ang konti nitong anghang. Sa dami ng serving nito, pwede ito para sa dalawang tao. Pero kung marami kang gutom, malamang ay maubos mo itong mag-isa. Sulit para sa mga malakas mag-kanin.
Rating: ⭐⭐⭐⭐⭐
Lunpiang Sariwa - 25 pesos
Kung naghahanap naman ng mga gulay, ito ang isa sa mairerekomenda ko sa inyo. Sariwa at manamis-namis ang mga gulay na inilagay. Bagay na bagay sa kanilang sauce na may dinurog na mani at bawang. Ito palang ay siguradong busog ka na.
Rating: ⭐⭐⭐⭐⭐
Beef Pares - 50 pesos
Ayos talagang pares itong Beef Pares nila! Malambot na karne ng baka, manamis-namis, i-pares pa sa kanin na may pinirito at malutong na bawang. May kasama din itong soup. Sakto kung gutom ka. Sigurado ako mapapa-extra rice ka din sa sarap! 50 pesos lang ito ha!
Rating: ⭐⭐⭐⭐⭐
Sizzling Burger Steak - 50 pesos
Kaway-kaway sa mga fan ng burger steak dyan! Nandito na ang sizzling burger steak na swak sa gutom mo. May masarap na gravy pa! Kumukulo kulo pa ang sauce noong ito ang inilagay sa aming lamesa, kaya naman masarap itong kainin habang mainit pa! Ingat ingat lang at mainit ang sizzling plate!
Rating: ⭐⭐⭐⭐⭐
Sizzling Sisig - 60 pesos
Paborito mo ba ang sisig? Marami tayong bersyon ng sisig, kung minsan ay mayroon itong mayonnaise, utak ng baka, o simpleng kalamansi ang ihinahalo. Ang kanilang sisig ay simple ngunit malalaman mo kung bakit ito binabalik balikan. Hindi tinitipid sa mga pangsahog at sa pampalasa, pero papatok sa panlasa. Heto na ang swak na sisig para sa 60 pesos mo!
Rating: ⭐⭐⭐⭐⭐
Fish Fillet
Para sa naghahanap ng pagkain na gawa sa isda. Ito ang mairerekomenda ko. Fish Fillet, Cream Dory pero hindi malansa ang pagkakaluto. Ibinababad raw nila ito mabuti para mawala ang lansa ng isda. Isawsaw pa sa kanilang sweet and sour sauce, sa tingin ko ay magugustuhan ito maski mga bata.
Rating: ⭐⭐⭐⭐⭐
Chicken with Gravy - 40 pesos
Kapag may pritong manok ay una kong hinahanap ang gravy. Unang tikim ko pa lang ng gravy ay nalasahan ko agad ang mga inihahalo nila rito. Maikukumpara ko ang lasa ng kanilang gravy sa lasa ng mashed potato na may gravy pero ito, pinagsamang lasa. Gaganahan ka talagang kumain. Tama rin ang pagkakaluto ng fried chicken, hindi makapal ang breading at mainit pa kapag inihain.
Rating: ⭐⭐⭐⭐⭐
Marami pa akong natikman na gusto kong ibahagi sa inyo pero bibitinin ko muna kayo ng bahagya para kayo naman ang tumikim at makapagsabi na masarap nga ang kanilang mga luto dito. Sabi nga sa imahe na gusto nila iparating sa mga tao... "'Di raw sosyal, pero pwede na rin." Ngunit para sa akin... "hindi nga sosyal ang lugar, pero binabalik-balikan ang pagkain nila rito."
Ano ang sikreto ng kanilang negosyo? Ayon sa may ari... "wala naman talagang sikreto pero hindi dapat tipirin ang sangkap, dahil kapag tinipid mo ang mga sangkap, magsa-suffer ang lasa ng pagkain."
Isa pang napansin ko rito ay ang kanilang mga crew. Mga kabataan pa ang karamihan dito, napag-alaman ko na ang iba sa kanila ay mga scholar, out of school youth at ang iba ang galing ng iba't ibang probinsya gaya ng Bicol, Isabela at Zambales. Bakit? Ayon sa mga may ari ng food bridge na sina Sir Amang at Ma'am Charito Dela Cruz. Gusto nila matulungan ang mga kabataan na hindi maging sakit ng ulo ng kanilang mga magulang at pati na ng ating lipunan. Maiiwas sa masamang bisyo at masamang barkada.
Sa pagnanais nila na makatulong din sa mga scholars, sila mismo ang nag-aadjust ng oras ng kanilang schedule sa kanilang trabaho para makapag aral parin ang mga kabataang ito. Parang pamilya ang turingan nila. Nakakatuwa ang iba't ibang mga istorya nila. Kung sa iba ay nagde-descriminate ng mga tomboy o bakla o may kapansanan, dito ay gusto nila na sila ay matulungan. Sabi nga niya, kahit nga raw may mag-apply na pipi o bingi ay tatanggapin nya ito para makapagtrabaho. Ang dahilan nya, hindi naman daw binabase ito sa kung anong kapansanan ng tao, mas importante ang personalidad. Ang kagustuhan ng tao na makapagtrabaho. Sa ngayon ay mayroon silang 25 na tauhan na nagrerelyebo 24 oras na operasyon ng kanyang kainan. Sana ay dumami pa ang mga ganitong mga nagtatayo ng negosyo na ang layon ay makatulong sa mga kabataan para hindi maging sakit ng lipunan. Saludo po ako sa inyo Ma'am at Sir.
Para sa mga gusto ng "Unli" at talagang sulit na kainan, magkakaroon ang Food Bridge ng Eat-all-you-can buffet. Alamin ang mga oras ng kanilang buffet. Magplano at dalhin na ang buong pamilya at barkada dahil maghahanda sila ng mahigit 15 putahe kasama na ang kanilang panghimagas o dessert. Narito ang mga presyo ng kanilang buffet. Kita kita tayo sa December 10!
Para sa iba pa nilang pakulo...
i-click at i-like na ang kanilang Facebook page : Food Bridge
Nakapagbigay ka na ba ng dugo? Naranasan mo na bang mangailangan ng dugo? Mahirap maghanap ng dugo lalo na kung ang isa sa iyong mahal sa buhay ang nangangailangan. Maaring sa ilan ay hindi ito importante ngunit naisip mo ba kung paano ito makasasagip ng isa or maraming buhay?
Nobyembre 17, 2016, naganap ang isang "Blood Letting" program sa barangay Tarcan, Baliwag, Bulacan. Sa pangunguna ng Barangay Captain ng Brgy. Tarcan na si Kap. Ariel Cabingao, ay naisakatuparan ang isa na namang matagumpay na "Blood Letting" project. Dalawa o tatlong beses sa isang taon ay isinasagawa ang ganitong programa sa kanilang barangay. Hiniling ni Kapitan Ariel na ang maging regalo na lamang para sa kanyang kaarawan ng kanyang mga kababaryo ay ang pagtulong din sa kapwa sa pamamagitan ng pagbibigay ng dugo upang makasagip ng marami pang buhay. Sa pakikipagtulungan ng Red Cross, volunteers, at doktor ay nakalikom ng dugo na maiipon sa tanggapan ng Red Cross. Lubos ang pasasalamat ni Kapitan Ariel dahil sa tuwing nagaganap ang ganitong Blood Letting project ay mahigit 40 na katao ang boluntaryong nagbibigay ng dugo.
Naghanda na ang mga taga Red Cross sa pagkuha ng dugo
Ikaw, nais mo rin bang maging bahagi ng ganitong proyekto? Narito ang mga panuntunan kung nais mong mag-donate ng dugo.
Maaaring mag-donate ng dugo kung ikaw ay:
1. May malusog na pangangatawan. 2. Mula 16 hanggang 65 na taong gulang (ang mga 16 at 17 yrs old ay kinakailangan ng parental consent) 3. Tumitimbang ng 110 pounds pataas 4. Blood pressure na hindi bababa sa 100 / 70 5. Nakapasa sa Physical and Health history assessment. Paghahanda bago mag-donate ng dugo
1. Magkaroon ng sapat na tulog at pahinga. 2. Hindi dapat naka-inom ng anumang uri ng alak 24 oras bago sumailalim sa pagkuha ng dugo. 3. Huwag uminom ng gamot 24 oras bago nag donate ng dugo. 4. Kumain ng sapat, huwag kumain ng pagkain na matataba o mataas sa kolesterol. 5. Uminom ng maraming tubig o juice.
Mga hakbang sa pag-donate ng dugo
1. Pag fill-up ng form na may mga tanong tungkol sa iyong kalusugan.
2. Interview.
3. Pagkuha ng timbang at blood pressure.
4. Pag-eksamen ng doktor sa iyong kalusugan
5. Pagkuha ng dugo - (kadalasang 350cc o 450cc ng dugo ang kinukuha depende timbang at blood pressure ng donor. Isinasagawa ito sa loob ng 10 minuto)
6. Kinakailangan magpahinga ng mula 5 hanggang 10 minuto ang donor matapos makunan ng dugo upang maiwasan ang pagkahilo.
Mga dapat gawin matapos ang pag-donate ng dugo:
1. Uminom ng maraming tubig o juice. 2. Iwasan ang paggawa nng mga mabibigat ng trabaho. 3. Iwasang gamitin ang braso na pinagkunan ng dugo upang magbuhat ng bagay. 4. Kung sakaling mahilo, humiga lamang ng bahagyang naka taas ng mga paa.
Maaring ang karamihan ay nagtatanong kung ano nga ba ang benepisyo ng pagbibigay ng dugo. Una, para sa ating kalusugan, hindi naman ibig sabihin na nakapagbigay ka ng dugo ay mauubos na ang iyong dugo sa katawan. Sa katunayan, ang ating katawan ay may kakayahang magparami ng dugo, kaya mas magiging malusog pa nga raw ang katawan kung mapapalitan ito. Maaaring mag donate ng dugo tuwing ikatlong buwan o tatlo hanggang apat na beses sa isang taon (Ang galing hindi ba?) Pangalawa, makakakuha ka sa Red Cross ng diskwento sa pagbili ng dugo kung sakaling ikaw ang mangailangan at ikaw ay magiging prioridad nilang mabigyan ng dugo. Ang regular na presyo ng isang bag na dugo ay nagkakahalaga ng 1,800 ngunit kung naging donor ka, ito ay magiging 700 pesos na lamang. "1 is to 1" ang patakaran nila rito. Ibig sabihin kung ikaw ay nakapag bigay ng isang bag ng dugo ay isang bag rin ang maaari mong mabili ng may diskwento. Kapag umabot ka ng hanggang siyam (9) na bag ng dugo na naibigay mo, ikaw ang bibigyan nila ng pagkilala o Recognition.
Ang mga naging donor ay binibigyan ng "Donor Card" at tag na nagpapatunay na ikaw ay nakapag-bigay ng dugo
Hindi ba't masaya at masarap sa pakiramdam na ang iyong dugo ay naging pansagip buhay o pandugtong sa isa o marami pang buhay? Kaya makibalita na sa inyong lugar kung kailan ang susunod na schedule ng pag-donate ng dugo. Maraming salamat po kay Kapitan Ariel Cabingao at sa mga tao na sumusuporta sa ganitong layunin.
Napabilang sa "7 Wonders of Nature" ang ating ipinagmamalaking Puerto Princesa Underground River sa buong mundo. Ngayon ay kilala ito bilang Puerto Princesa Subterranean River National Park. Dahil dito, gusto kong makita mismo ng aking mga mata kung bakit siya napabilang sa ganoong katergorya. Ito na ang pinakahihintay namin ang pagpasok namin sa Underground River.
Maaga kaming gumising para mag-almusal at hintayin ang aming tour guide na magdadala sa amin sa Underground River. Mabilis ang naging biyahe namin dahil kailangan daw niyang ipila ang aming registration para makapasok doon. Maraming ring turista ang aming nakasabay, kaya naman pala dapat ay maaga kami. Ito ang itsura ng lugar na nadatnan namin. Dito kami sasakay ng bangka papunta sa kinaroroonan ng aming pakay. Napakalinis ng tubig hindi ba?
Pinasakay na kami sa isang de motor na bangka na magdadala sa amin sa dalampasigan kung saan ay maglalakad pa kami ng kaunti patungo sa loob ng isla. Sinamahan kami ng aming tour guide at mga bangkero. Siguradong ligtas dahil binigyan kami ng mg life vest. May labinlimang minuto rin ang aming byahe sakay ng bangka. Mga tanawin pa lang ay talaga namang nakakaakit at ma-eenjoy mo talaga ang byahe.
Isang islang napakaganda ang bumungad sa aming pagbaba ng bangka. Hindi namin napigilan na hindi pakuha ng picture. Sa sobrang ganda nga ng lugar ay nasabi ko sa aking sarili na, "Ang galing ng mga ginawa ng Diyos para bigyan ang Pilipinas ng ganito kagandang lugar!" Ang mga unggoy at mga bayawak o mga monitor lizard ay malayang nakaka pamasyal sa loob ng gubat. Binigyan kami ng paalala na ingatan ang gamit namin dahil mahilig makipaglaro ang mga unggoy at pwede nila kunin ang mga gamit namin. Huwag ding mag kakaluskos ng anumang plastic dahil hudyat yon para sa kanila upang kunin ang gamit nyo.
Ilang minuto pa ng paglalakad ay bumungad na ang aming pakay. Nakakawala ng pagod kapag magandang tanawin ang makikita. Pinagsuot kami ng live vest uli at helmet dahil saglit na lang ay papasok na kami sa loob ng Underground River. Excited na kami!
Napakalinaw ng tubig! Mula sa sinasakyan naming bangka ay kitang kita ang mga isda sa ilalim. Magkahalong asul at berde ang kulay ng tubig. May kasama kaming tour bangkero na siya ring naging tour guide namin sa loob. May mga stalactites at stalagmite formations sa loob ng kuweba. ("Stalactites" kung galing ito sa itaas ng kuweba at "Stalagmite" naman kung sa ibaba ng ilog ito nagmumula. Kapag nagkatapat silang dalawa at mabuo, ito na ang tinatawag na "Column") Maraming mga paniki ang naninirahan sa loob. Malamig sa loob ng kuweba at madalas ay matutuluan ka ng tubig na nanggagaling sa itaas. Biro pa nga ng aming bangkero, kung malamig ang tubig na bumagsak sa iyo, siguradong sa mga Stalactite ito galing, pero kung mainit-init... hahahah! ito malamang ay galing sa dumi o ihi ng mga paniki! Kaya kung pupunta rin kayo, pakiramdaman ninyo ha!
Iba't ibang Stalactite at Stalagmite formation ang nakita namin sa loob. Kumikinang ang mga ito lalo kapag natamaan ng ilaw. Ang iba ang hugis prutas at ang iba naman ay hugis gulay! Isang kakaibang experience ang makapasok rito. Mamamangha ka kung papaanong nabuo ito ng hindi naman sinasadya. Marapat nga lamang na mapabilang sa "7 Wonders of Nature".
Pagkatapos ng aming biyahe sakay ng bangka pabalik sa Sabang Port, isang eat-all-you-can na pananghalian ang naghihintay sa amin. Ngunit ang hindi namin mapapalampas matikman ay ang pagkain ng "TAMILOK" o woodworm. Hindi ito niluluto at isinasawsaw lamang ito sa suka. Lahat kami ay tinikman ito, sabi ko nga minsan lang ito kaya dapat hindi na palampasin ang pagkakataon na matikman iyon.
Sinubukan ko ang isang piraso ng tamilok, pumikit na lang ako para hindi ko makita, madulas at lasang talaba pala ito. Isa ito sa mga hindi ko malilimutan na pagkain. Kaya nyo rin ba tumikim nito o na-experience nyo na rin ang pagkain nito? Huwag tayong maging dayuhan sa sarili nating bayan. Ang mga lugar na kagaya nito ay hindi lamang maganda basahin sa internet o sa mga artikulo, mas magandang puntahan at ikaw mismo ang maka-experience.
Narito ang susunod ko pang kuwento ng aming mga pinuntahan at iisa-isahin ko sa inyo. Maaaring i-click upang makita ang mga nilalaman nito.