Puerto Princesa
Underground River
Pinasakay na kami sa isang de motor na bangka na magdadala sa amin sa dalampasigan kung saan ay maglalakad pa kami ng kaunti patungo sa loob ng isla. Sinamahan kami ng aming tour guide at mga bangkero. Siguradong ligtas dahil binigyan kami ng mg life vest. May labinlimang minuto rin ang aming byahe sakay ng bangka. Mga tanawin pa lang ay talaga namang nakakaakit at ma-eenjoy mo talaga ang byahe.
Isang islang napakaganda ang bumungad sa aming pagbaba ng bangka. Hindi namin napigilan na hindi pakuha ng picture. Sa sobrang ganda nga ng lugar ay nasabi ko sa aking sarili na, "Ang galing ng mga ginawa ng Diyos para bigyan ang Pilipinas ng ganito kagandang lugar!" Ang mga unggoy at mga bayawak o mga monitor lizard ay malayang nakaka pamasyal sa loob ng gubat. Binigyan kami ng paalala na ingatan ang gamit namin dahil mahilig makipaglaro ang mga unggoy at pwede nila kunin ang mga gamit namin. Huwag ding mag kakaluskos ng anumang plastic dahil hudyat yon para sa kanila upang kunin ang gamit nyo.
Ilang minuto pa ng paglalakad ay bumungad na ang aming pakay. Nakakawala ng pagod kapag magandang tanawin ang makikita. Pinagsuot kami ng live vest uli at helmet dahil saglit na lang ay papasok na kami sa loob ng Underground River. Excited na kami!
Napakalinaw ng tubig! Mula sa sinasakyan naming bangka ay kitang kita ang mga isda sa ilalim. Magkahalong asul at berde ang kulay ng tubig. May kasama kaming tour bangkero na siya ring naging tour guide namin sa loob. May mga stalactites at stalagmite formations sa loob ng kuweba. ("Stalactites" kung galing ito sa itaas ng kuweba at "Stalagmite" naman kung sa ibaba ng ilog ito nagmumula. Kapag nagkatapat silang dalawa at mabuo, ito na ang tinatawag na "Column") Maraming mga paniki ang naninirahan sa loob. Malamig sa loob ng kuweba at madalas ay matutuluan ka ng tubig na nanggagaling sa itaas. Biro pa nga ng aming bangkero, kung malamig ang tubig na bumagsak sa iyo, siguradong sa mga Stalactite ito galing, pero kung mainit-init... hahahah! ito malamang ay galing sa dumi o ihi ng mga paniki! Kaya kung pupunta rin kayo, pakiramdaman ninyo ha!
Iba't ibang Stalactite at Stalagmite formation ang nakita namin sa loob. Kumikinang ang mga ito lalo kapag natamaan ng ilaw. Ang iba ang hugis prutas at ang iba naman ay hugis gulay! Isang kakaibang experience ang makapasok rito. Mamamangha ka kung papaanong nabuo ito ng hindi naman sinasadya. Marapat nga lamang na mapabilang sa "7 Wonders of Nature".
Pagkatapos ng aming biyahe sakay ng bangka pabalik sa Sabang Port, isang eat-all-you-can na pananghalian ang naghihintay sa amin. Ngunit ang hindi namin mapapalampas matikman ay ang pagkain ng "TAMILOK" o woodworm. Hindi ito niluluto at isinasawsaw lamang ito sa suka. Lahat kami ay tinikman ito, sabi ko nga minsan lang ito kaya dapat hindi na palampasin ang pagkakataon na matikman iyon.
Sinubukan ko ang isang piraso ng tamilok, pumikit na lang ako para hindi ko makita, madulas at lasang talaba pala ito. Isa ito sa mga hindi ko malilimutan na pagkain. Kaya nyo rin ba tumikim nito o na-experience nyo na rin ang pagkain nito? Huwag tayong maging dayuhan sa sarili nating bayan. Ang mga lugar na kagaya nito ay hindi lamang maganda basahin sa internet o sa mga artikulo, mas magandang puntahan at ikaw mismo ang maka-experience.
Narito ang susunod ko pang kuwento ng aming mga pinuntahan at iisa-isahin ko sa inyo. Maaaring i-click upang makita ang mga nilalaman nito.
3. Underground River
No comments:
Post a Comment