Thursday, November 10, 2016

Puerto Princesa : Baker's Hill




Puerto Princesa
Baker's Hill


Magmula sa Palawan Crocodile Farm ay nagtungo naman kami sa Baker's Hill. Isang sakay lang ng jeep magmula Crocodile Farm at isang sakay ng tricycle ay mararating na ang Baker's Hill. Pagpasok pa lamang rito ay maaamoy mo na agad ang mga tinapay at pastries na niluluto sa kanilang bakery. Sa dami ng klase ay halos hindi ko malaman kung ano ang uunahin kong tikman. Mayroong brownies, hopia, crinkles, cakes at iba pa. 



Sa aming paglilibot rito ay naka pukaw ng aking mata ang mga magagandang mga ayos ng kanilang garden. May palaruan din sa mga bata at bawat isang sulok ng kanilang lugar ay iba't iba ang tema gaya ng mga Pirates, Shrek, Snow white at iba pa. Pati naman ang malalaki nilang estatwa na bumabati sa mga turista. Sa daraanan naman ay may mga flower arrangements na nakalutang sa tubig. Napaka gandang lugar at malinis din. 



Di kalayuan ay maamoy ang masarap na pizza na mayroong manipis na crust. Hindi ko natiis na hindi bumili dahil sa amoy pa lang ay tiyak na gugutumin ka. Simple ang pizza ngunit dahil laging bago ang ginagawa nilang crust ay napaka sarap nito. 


Sa bandang dulo naman ay may makikitang mga Peacock bilang ito ang simbolo ng bayan ng Puerto Princesa. Makukulay at malalapad ang kanilang mga balahibo. Nakakatuwang pagmasdan habang nakabuka, akala mo ay isang napakalaking pamaypay ito sa kanilang buntot.  

Maraming mga turista ang nagpupunta rito upang makapamasyal at makabili ng mga pinagmamalaki nilang mga tinapay. Ako man ay bumili para iuwi sa Bulacan at kainin sa aming tinutuluyan. Ang Baker's Hill ay parang isang paraiso sa bayan ng Puerto Princesa.

Ang Baker's Hill ay matatagpuan sa :
Mitra Road Sta Monica
Puerto Princesa City, Puerto Princesa, Philippines



Narito ang susunod ko pang kuwento ng aming mga pinuntahan at iisa-isahin ko sa inyo. Maaaring i-click upang makita ang mga nilalaman nito.

2. Baker's Hill

No comments:

Post a Comment