Monday, November 21, 2016

Food Bridge : "Di raw masyadong sosyal pero binabalik-balikan"


     Ano ba ang binabalik-balikan sa isang kainan, restaurant o karinderya? Hindi ba't kung masarap ang pagkain, malinis na paligid, malinis na paghahanda ng pagkain, at siyempre, kung mura ba ang mga pagkain rito. Isa na namang kainan ang napuntahan ni BaliwageNews, masarap na, malinis at mura pa. Ang tinutukoy ko ay ang Food Bridge na nasa C.L Hilario Highway, Tibag, Baliwag. Madali itong makita dahil nasa bukana ng tulay lamang ito na nagdudugtong sa Baliwag at Bustos, kaya rin ito pinangalanang Food Bridge. Nagbukas ito noong March 10, 2016. Simple lang ang lugar, hindi air-conditioned. Napansin ko na marami ang dito ay kumakain, kaya naman naengganyo ako na alamin kung ano ang mayroon sa kanilang kainan at kung bakit lagi itong matao. Ilang beses ko itong binalik-balikan para matikman ang lahat ng kaninang mga specialty. Halos lahat yata ay specialty nila! Sa mga hindi pa nakikita ang video teaser ng aking pagbisita sa Food Bridge, narito po at panoorin nyo. 


Warning: Baka magutom sa pagtingin ng pagkain.

Gusto nyo ba malaman kung alin ang masarap? magkano ang mga ito? tutok lang dahil ikukwento ko na. Iisa-isahin ko sa inyo.

Special Lomi - 60 pesos
Nagulat ba kayo na ang presyo lamang lomi ay 60 pesos? Oo! Isa itong maliit na kawali at doon nakalagay ang ise-serve nila na mainit na Lomi. Pwede ito sa dalawa o hanggang tatlong tao na magsasalo para maubos ito. Malasa ang sabaw, busog sa mga sahog at ihahain ng bagong luto. Nakakabusog at sulit sa budget.
Rating: ⭐⭐⭐

Pancit Canton / Bihon - 60 pesos
Ang kanilang pansit canton at bihon ay nilalamanan ng mga gulay at lechon kawali ang toppings. Malutong ang kanilang lechon kawali na sobrang nagustuhan ko. (Alam ko marami rin ang makakagusto nito!) Tama lamang ang lasa at hindi masyadong maalat. Pwede sa dalawa hanggang tatlong tao ang kanilang serving sa halagang 60 pesos lamang. Isa pang maaring pagsaluhan ng pamilya at magbabarkada.
Rating: ⭐⭐⭐

Chow Fan - 60 pesos
Para sa mga maraming gutom! Pwede nang kahit hindi mag ulam, dahil ang chow fan nila ay malasa na kaya wala ka nang hahanapin pa. Hindi masyadong mamantika at hindi masyadong maalat, tamang tama lang ang konti nitong anghang. Sa dami ng serving nito, pwede ito para sa dalawang tao. Pero kung marami kang gutom, malamang ay maubos mo itong mag-isa. Sulit para sa mga malakas mag-kanin. 
Rating: ⭐⭐⭐

Lunpiang Sariwa - 25 pesos
Kung naghahanap naman ng mga gulay, ito ang isa sa mairerekomenda ko sa inyo. Sariwa at manamis-namis ang mga gulay na inilagay. Bagay na bagay sa kanilang sauce na may dinurog na mani at bawang. Ito palang ay siguradong busog ka na.
Rating: ⭐⭐⭐

Beef Pares - 50 pesos
Ayos talagang pares itong Beef Pares nila! Malambot na karne ng baka, manamis-namis, i-pares pa sa kanin na may pinirito at malutong na bawang. May kasama din itong soup. Sakto kung gutom ka. Sigurado ako mapapa-extra rice ka din sa sarap! 50 pesos lang ito ha!
Rating: ⭐⭐⭐

Sizzling Burger Steak - 50 pesos
Kaway-kaway sa mga fan ng burger steak dyan! Nandito na ang sizzling burger steak na swak sa gutom mo. May masarap na gravy pa! Kumukulo kulo pa ang sauce noong ito ang inilagay sa aming lamesa, kaya naman masarap itong kainin habang mainit pa! Ingat ingat lang at mainit ang sizzling plate!
Rating: ⭐⭐⭐

Sizzling Sisig - 60 pesos
Paborito mo ba ang sisig? Marami tayong bersyon ng sisig, kung minsan ay mayroon itong mayonnaise, utak ng baka, o simpleng kalamansi ang ihinahalo. Ang kanilang sisig ay simple ngunit malalaman mo kung bakit ito binabalik balikan. Hindi tinitipid sa mga pangsahog at sa pampalasa, pero papatok sa panlasa. Heto na ang swak na sisig para sa 60 pesos mo!
Rating: ⭐⭐⭐

Fish Fillet
Para sa naghahanap ng pagkain na gawa sa isda. Ito ang mairerekomenda ko. Fish Fillet, Cream Dory pero hindi malansa ang pagkakaluto. Ibinababad raw nila ito mabuti para mawala ang lansa ng isda. Isawsaw pa sa kanilang sweet and sour sauce, sa tingin ko ay magugustuhan ito maski mga bata. 
Rating: ⭐⭐⭐

Chicken with Gravy - 40 pesos
Kapag may pritong manok ay una kong hinahanap ang gravy. Unang tikim ko pa lang ng gravy ay nalasahan ko agad ang mga inihahalo nila rito. Maikukumpara ko ang lasa ng kanilang gravy sa lasa ng mashed potato na may gravy pero ito, pinagsamang lasa. Gaganahan ka talagang kumain. Tama rin ang pagkakaluto ng fried chicken, hindi makapal ang breading at mainit pa kapag inihain. 
Rating: ⭐⭐⭐

Marami pa akong natikman na gusto kong ibahagi sa inyo pero bibitinin ko muna kayo ng bahagya para kayo naman ang tumikim at makapagsabi na masarap nga ang kanilang mga luto dito. Sabi nga sa imahe na gusto nila iparating sa mga tao... "'Di raw sosyal, pero pwede na rin." Ngunit para sa akin... "hindi nga sosyal ang lugar, pero binabalik-balikan ang pagkain nila rito." 

Ano ang sikreto ng kanilang negosyo? Ayon sa may ari... "wala naman talagang sikreto pero hindi dapat tipirin ang sangkap, dahil kapag tinipid mo ang mga sangkap, magsa-suffer ang lasa ng pagkain."

Isa pang napansin ko rito ay ang kanilang mga crew. Mga kabataan pa ang karamihan dito, napag-alaman ko na ang iba sa kanila ay mga scholar, out of school youth at ang iba ang galing ng iba't ibang probinsya gaya ng Bicol, Isabela at Zambales. Bakit? Ayon sa mga may ari ng food bridge na sina Sir Amang at Ma'am Charito Dela Cruz. Gusto nila matulungan ang mga kabataan na hindi maging sakit ng ulo ng kanilang mga magulang at pati na ng ating lipunan. Maiiwas sa masamang bisyo at masamang barkada. 

Sa pagnanais nila na makatulong din sa mga scholars, sila mismo ang nag-aadjust ng oras ng kanilang schedule sa kanilang trabaho para makapag aral parin ang mga kabataang ito. Parang pamilya ang turingan nila. Nakakatuwa ang iba't ibang mga istorya nila. Kung sa iba ay nagde-descriminate ng mga tomboy o bakla o may kapansanan, dito ay gusto nila na sila ay matulungan. Sabi nga niya, kahit nga raw may mag-apply na pipi o bingi ay tatanggapin nya ito para makapagtrabaho. Ang dahilan nya, hindi naman daw binabase ito sa kung anong kapansanan ng tao, mas importante ang personalidad. Ang kagustuhan ng tao na makapagtrabaho. Sa ngayon ay mayroon silang 25 na tauhan na nagrerelyebo 24 oras na operasyon ng kanyang kainan. Sana ay dumami pa ang mga ganitong mga nagtatayo ng negosyo na ang layon ay makatulong sa mga kabataan para hindi maging sakit ng lipunan. Saludo po ako sa inyo Ma'am at Sir. 

Para sa mga gusto ng "Unli" at talagang sulit na kainan, magkakaroon ang Food Bridge ng Eat-all-you-can buffet. Alamin ang mga oras ng kanilang buffet. Magplano at dalhin na ang buong pamilya at barkada dahil maghahanda sila ng mahigit 15 putahe kasama na ang kanilang panghimagas o dessert. Narito ang mga presyo ng kanilang buffet. Kita kita tayo sa December 10!


Para sa iba pa nilang pakulo... 
i-click at i-like na ang kanilang Facebook page : Food Bridge 

No comments:

Post a Comment