Thursday, November 10, 2016

Puerto Princesa, Palawan : The City of the Living GOD

Puerto Princesa, Palawan
The City of the Living GOD



Huwag maging dayuhan sa sariling bayan, Kaya naman nagpunta kami ng pamilya ko sa Puerto Princesa, Palawan. Pinili ko itong lugar na ito dahil sa maraming dahilan, Una, gusto kong makita kung bakit napabilang sa "7 Wonders of Nature" ang Puerto Princesa Underground River. Ikalawa, kung ano-ano ang mga lugar na ipinagmamalaki nila. Ikatlo, ang kanilang mga masasarap na pagkain at ang huli ay ang kanilang kultura at mga mamamayan dito. Tara, ikukuwento ko sa inyo ang mga pinuntahan namin.



Tatlong buwan pa lang bago ang aming nakatakdang biyahe ay nagpa-book na ako sa Cebu Pacific. Hindi naman ako nahirapan dahil online ko ito ginawa at binayaran ko ito sa "Bayad Center". Sumunod naman ang pagpili ng aming tutuluyan na bahay o hostel doon. Mas pinili ko ang kumuha ng "Bed and Breakfast" na hostel dahil mas makakamura kami rito at isa pa, hindi naman matagal ang ilalagi namin sa kuwarto. Lalabas at mamamasyal naman maghapon at uuwi sa hostel pagkatapos ng mga tour at matutulog na lang, may libre pang almusal kada umaga. Naisip ko na hindi kumuha ng "City Tour"pagdating namin doon dahil: una, ayaw ko na nagmamadali kapag nasa isang lugar, ikalawa, makakatipid ako dahil ang city tour ay nagkakahalaga ng 600 pesos kada tao para sa half day tour, kaya naman ang binayaran ko na lamang na tour ay yung pagpunta namin sa Underground River na kasama ng eat-all-you-can na pananghalian. Gusto ko i-explore ang Puerto Princesa, kaya malayo pa lamang ay nagbabasa na ako ng mga blogs at article na patungkol sa mga lugar na pwedeng puntahan at kung saan ito makikita. Pati naman ang mga sasakyan at pamasahe ay inilista ko na rin. Gumawa ako ng listahan ko sa araw araw naming pupuntahan. Nabasa ko na rin kung saan at ano ang mga pagkain na masarap sa pupuntahan namin, Ganyan ako naghanda.

Dumating na ang araw ng pag-alis namin. Maaga kami sa airport. Halos hindi kami nakatulog dahil excited kaming lahat. Ilang saglit pa ay nasa paliparan na kami ng Puerto Princesa. Sinundo kami ng driver ng Casa Fuerte Bed and Breakfast na nakuha namin. Mababait at maasikaso ang mga tao roon. Kapag nagtanong ka kung saan ang mga gusto mong puntahan na lugar ay agad ka nilang ituturo sa tamang daan at hindi sila nanloloko. 
Casa Fuerte Bed and Breakfast
http://www.casafuertepalawan.com/
Lumabas kami at nagpunta sa aming unang destinasyon. Ang kilalang pagkain roon at ang Chaolong sa Bona's eatery. Simple lamang ang kainan na ito ngunit dinarayo ng mga turista. Masarap ang kanilang Chaolong na tinernohan pa ng espesyal nilang tinapay. Ang Chaolong ay Vietnamese noodles, lasang lasa ang karne ng baka at nilalagyan ito ng sariwang toge. Masarap ang aming almusal dahil talaga namang nakakabusog ang Chaolong. 


Bona's Chaolong
Toasted Bread with cheese




Nasa Bulacan pa lamang ako ay tumawag ako sa telepono ng Ka Lui's Puerto Princesa. Isa itong kilalang kainan rito. Dahil araw araw ay maraming kumakain rito, kailangan mong magpa-book ng maaga. Ano kayang kakaiba sa restaurant na ito? Dito kami nananghalian, pagpasok pa lang namin ay agad na pinag-alis kami ng aming sapatos. Para itong isang napakalaking kubo at makintab na makintab ang kanilang sahig. Napaka presko rin ng kanilang lugar. At dahil nasa Palawan kami, seafoods ang kanilang mga espesyal na ihinahanda. Mahal sa Maynila ang mga lamang dagat kaya naman sinamantala namin na tikman ang mga ito Palawan. Bago kami matapos kumain ay binigyan pa nila kami ng libreng panghimagas, sari-saring hiniwang prutas na nakalagay sa buko at may muscovado sugar. Talagang sulit ang ibabayad sa kainan na ito.


 




Dinayo rin namin ang kanilang Baywalk. Natakam ako sa napakaraming pagpipilian na mga seafood. Sariwa itong nakahain at ikaw na lamang ang pipili kung anong klase ang gusto mo at kung ano luto ang gagawin rito. Pwede itong ihawin o lagyan ng sabaw gaya ng sinigang at pwede rin namang buttered lang. Hindi rin mawawala ang mga putahe na ang inilalagay ay ang karne ng mga buwaya o crocodile. 











Ang Puerto Princesa Baywalk ay isang kahabaan na maihahalintulad sa Baywalk sa Maynila, ngunit ang kakaiba rito ay ang kalinisan. Maski naman sa ibang lugar na aming pinuntahan ay walang kalat. Bakit? Dahil sa Puerto Princesa ay may pinaiiral na batas na kung tawagin ay "Citizen's arrest". Kapag nakakita ka ng nagkakalat at maari mo silang hulihin at isumbong sa kanilang munisipyo. May multa ang magkalat rito, at ang multa na makokolekta ay hinahati sa dalawa, unang kalahating bahagi ay sa taong umaresto at ang ikalawa ay sa munisipyo nila. Kaya naman walang nagkakalat o nagtatapon ng kahit upos ng sigarilyo o balat ng kendi rito. Isa sa napakaraming bagay na maaring maipagmalaki ng Puerto Princesa, Palawan. 

Narito ang susunod ko pang kuwento ng aming mga pinuntahan at iisa-isahin ko sa inyo. Maaaring i-click upang makita ang mga nilalaman nito.





No comments:

Post a Comment