Thursday, November 3, 2016

Kuwentuhang Kultura at Kasaysayan



     Maaaring ang ilan sa atin ay hindi pa alam kung ano ang itsura ng Baliwag noon o saan nagmula ang pangalan nito. Ano ang mga kilalang lugar rito at kung ano-ano ang mga maituturing na bahagi na ng kasaysayan. Ilan sa mga kilalang lugar rito sa atin ay naging saksi sa napakarami nang naganap dito sa ating Bayan. Katulad na lamang ng lumang simbahan sa Santa Barbara, Ang simbahan ng San Agustin, ang rebulto ni Dr. Jose Rizal sa harapan ng simbahan ng San Agustin at ang Aguas Potables. Alam ba ninyo kung saan naka puwesto ang mga ito? Mayroon tayong mga libro na nasa pangangalaga ng ating pamahalaan. At may isang libro na ginawa noong 2015, naglalaman ito ng mga kuwento tungkol sa ating lumang munisipyo at kung paano nagumpisa ang bayan ng Baliwag.



Kaya naman, Nobyembre 2, 2016 ay nagkaroon ng kapihan at kuwentuhang tungkol sa kultura at kasaysayan na ginanap sa ating munisipyo. Dinaluhan ito ng mga kilalang historian ng Baliwag, Baliwag Tourism, Municipal Administrator Eric Tagle, Mayor Ferdie V. Estrella, mga grupo na nangangalaga sa ating kultura at kasaysayan (PASAKABA, BHA, SAMPAKA atbp.), Representative mula sa Baliwag Water District at Parokya ni San Agustin. Mula naman sa NCCA / National Museum sina Ma'am Raquel Flores (Supervising Admin. Officer) at Ma'am Carmencita Mariano (Admin. Officer IV) upang sabihin ang mga panuntunan kung papaano hinirang na isang Heritage Site ang isang lugar. 







     Dito sa Pilipinas mayroon tayong batas na nangangalaga sa mga yaman ng ating bayan. Tinawag itong Republic Act No 10066 o "National Cultural Heritage Act of 2009" (Maaari ninyo itong i-click upang mabasa ang tungkol rito.) Ang National Museum ay responsable sa pangangalaga at preserbasyon ng natural at kultural na yaman ng ating bansa, Ang mga yamang kultural ay ang mga sumusunod: (a)National cultural treasures; (b)Important cultural property; (c)World heritage sites; (d)National historical shrine; (e)National historical monument; at (f)National historical landmark. Kapag ang isang lugar ay naideklara na bilang isang Heritage Site, magiging kaagapay nito ang National Museum at NCCA (National Commission for Culture and the Arts) sa pag-preserba ng mga yamang ito.

     Kaya naman sa talakayang naganap, nais ng ating bayan na mapabilang ang ilan sa ating lugar bilang Heritage site. Gumawa ng nominasyon ang ating pamahalaan para maisumite sa NCCA / National Museum at mapabilang sa mga National Treasures. Ang tinutukoy ko ay ang Simbahan ng San Agustin na itinayo noong 1733, Ang lumang munisipyo kung saan ginanap ang unang botohan, Aguas Potables na naging gamit upang magkaroon ng supply ng tubig ang ating bayan. Maraming pang ibang lugar ang kasalukuyan pang masusing pinag-aaralan kung ano-ano ang naging istorya ng mga ito sa pagdaan ng napakaraming taon. 
Simbahan ng San Agustin

Photo Credits: Mr. Isabelo Santos

Lumang Munisipyo

Aguas Potables
Photo credits: Baliwag Water District
Karamihan ay may alam na istorya tungkol sa lumang Munisipyo. Ngunit ayon kay Dr. Rico Paulo Tolentino, PH.D. na isang propesor sa De La Salle-Araneta at nagsasagwa ng pag-aaral tungkol sa lumang munisipyo at iba pang lugar. Ang lumang munisipyo ay ginawa noong 1700's. Sina Venanzia Delos Angeles na tubong Baliwag at Vicente Gonzales na taga Plaridel, kasama ang anak nila na si Maria Amparo Gonzales ang mga nagmamay-ari ng bahay (na ngayon ay kilala bilang lumang munisipyo). Ang mga Gonzales ay kilala bilang mga prayle (mga pari) kaya naman napakalaki ng koneksyon ng ating lumang munisipyo sa ating simbahan ng San Agustin. Mababakas din sa estraktura ng lumang munisipyo ang disenyo noong panahon ng mga Kastila. Nalaman ko rin na dito pala nagmula ang angkan ng mga kilalang personalidad na sina Charlene Gonzales, Vicky Belo at Ryan Agoncillo. 

Dr. Rico Paulo Tolentino, PH.D.
Ako man ay nagulat sa aking mga nalaman habang ako ay nakikinig sa talakayan. Marami pa pala akong hindi alam tungkol sa ating bayan. Kayo ba may kwento ba kayo tungkol sa mga nabanggit ko? 

    Maraming salamat sa mga nangangalaga ng ating mga maituturing na yaman ng ating bayan. Kilalanin man ito o hindi ng NCCA / National Museum, mananatili itong nakatatak sa puso at isipan ng bawat Baliwagenyo, naging saksi sa patuloy na pag-angat ng ating bayan. Ang mga lugar na ito ay may malalim na istorya kung paano nabuo ang ating bayan ng Baliwag.





No comments:

Post a Comment