Sunday, October 16, 2016

FVE 100 Days: Ulat sa Bayan ni Mayor Ferdie V. Estrella

FVE 100 Days
Ulat sa Bayan 
Mayor Ferdie V. Estrella



     Kay bilis ng araw at naka sandaang araw na pala ng panunungkulan ang ama ng Baliwag na si Mayor Ferdie V. Estrella. Naalala nyo ba na noong nangangampanya pa lamang sya ay mayroon siyang mga plataporma partikular sa Edukasyon at kabataan, Pagkabuhayan, Peace and Order, Health at Social Services, Good Governance, Environment at Infrastructure. May nagawa ba o may naumpisahan kaya alinman sa mga ipinangako nya? Maaaring mabilis at saglit ang sandaang araw, at hindi rin ito magiging madali para sa ating Mayor subalit sa mga nabanggit nya sa kanyang talumpati kahapon (Oktubre 15, 2016) sa Baliwag Star Arena ay malalaman natin kung ano-ano na ba ang nagawa sa maikling araw na iyon. Iisa-isahin ko sa inyo kung ano ang tinalakay sa kanyang talumpati.



Serbisyong May Malasakit
"Iyan po ang puso at diwa ng aking sinumpaang paglilingkod. Iyan po ang sa araw-araw ay naguudyok sa akin upang mapaglingkuran kayo ng magiliw, maagap at mahusay. Paglilingkod na maaasahan at magkakatuwang na ginagampanan. Ito ang kulturang pinasimulan at unti-unting ipagpapatuloy. Aaminin ko, hindi pa po ito perpekto, dahil higit sa pamamaraan at sistema ang binabago natin ay kultura ng paglilingkod. Hindi po ito madali, pero handa tayong maghintay, handa tayong magsakripisyo, handa tayo sa pagbabago dahil ito ang kailangan, ito ang nararapat." 
- Mayor Ferdie Estrella

Sa unang buwan ng kanyang panunungkulan ay inanyayahan ang iba't ibang sektor upang magsagawa ng kosultasyon. Ipinatawag at nakinig sa mga puna, suhestiyon at hinaing ng mga market vendors, mga miyembro ng TODA, school heads and teachers, student government, youth community leaders at mga kinatawan ng barangay. Ginawa ito dahil gusto ni Mayor Ferdie na bukas at may malayang ugnayan ang pamahalaan at ang mamamayan. 

Serbisyong May Malasakit Hotline (0917-505-STAR (7827))

Ito ay pinamumunuan ng Public Assistance and Complaint Center. Mula sa unang araw na maisapubliko ang numero na ito ay nasa 10-20 na ang tawag ang natatanggap at halos 15-20 text messages ng mga sumbong, reklamo at mungkahi ang kanilang natatanggap sa Malasakit hotline at ang lahat ng ito tinutugunan ng karampatang aksyon gaya ng inireklamong baradong kanal sa likod ng Super 8, sa barangay Poblacion na binabaha kahit hindi umuulan. Isinangguni agad sa Municipal Engineer na umaksyon agad at inalis ang bara sa daanan ng tubig at sinemento pa ang sidewalk pavement.

Rescue 5
Sa ilalim ng Risk Reduction and Management Office. Personal na nakita ni Mayor Ferdie ang pagpapasalamat at pagbati sa Facebook ng mahigit sa 200 na kababayan natin dahil sa agarang pagresponde at pagtulong sa mga naging biktima ng aksidente, pagbaha, sunog at iba pang sakuna sa loob lang ng limang minuto. 

Baliwag Lost & Found
Nagpaigting sa ugaling matapat ng mga Baliwagenyo. Halimbawa ay noong may nawalan ng iPhone 6Plus at madali itong naibalik sa may-ari. 

Document Tracking System
Naging sagot upang maiwasan ang matagal na pagproproseso ng mga dokumento at ma-track o makita kung saan ito nabibinbin. 

Biometrics with HR (Human Resource) Information System
Dinisenyo upang magkaroon ng maayos na database ang munisipyo ng lahat ng impormasyon patungkol sa mga empleyado.

Local Area Network (LAN)
Nag-upgrade ng internet connection ang munisipyo mula 5mbps ngayon ay aabot na sa 40 hanggang 100mbps. Nagkabit rin ng maayos na LAN (Local area Network) upang masiguro na malakas ang internet sa bawat opisina. At para matiyak rin na walang magaabuso sa paggamit nito. At dahil mas mabilis ang connectivity, mas mabilis ang komunikasyon at pagroproseso ng mga dokumento. Dahil iisa na lamang ang pinagkukunan ng internet connection, ay makakatipid ang pamahalaan at ang matitipid na pera ay ilalaan sa ibang proyektong angkop sa pangangailangan ng nakararami. 

Computerized Services
Para sa pagkuha ng business permit, birth certificate at ipa pang dokumento na ibinibigay ng munisipyo dahil narito na tayo sa panahon na automated o isang "click" na lamang ang mga transaksyon sa pamahalaang bayan na tugma sa ating bisyon na ang bayan ng Baliwag ay maging sentro ng Technological Advancement sa buong rehiyon ng Bulacan.

Go WiFi  
Sinimulan noong Setyembre kung saan nilagyan ng libreng WiFi access ang Glorietta Park ka-partner ang Globe Telecoms. Tunay na maipagmamalaki ito sapagkat ang ating Glorietta Park ang kauna-unahang pampublikong lugar na naging WiFi zone, sa buong lalawigan ng Bulacan. 

Park Development
Sinimulan na ang pagsasaayos ng mga panguahing parke sa Baliwag tulad ng Heroes Park at Glorietta Park, upang magsilbing pahingahan ng mga kabataan at mag-anak. Malinis at maluwag na ang Heroes Park ngayon. Pinagana rin ang fountain sa Glorietta Park at pinailaw ang Baliwag Clock Tower na naging sentro ng kalakalan at komersyo at ito ang kau-unahan sa lalawigan na nagtatampok ng iba'ibang kulay o LED lights base sa okasyon na ipinagdiriwang sa bawat buwan. 

Traffic Management
Bumuti ang usad ng trapiko sa paligid ng Glorietta pati narin sa buong bayan ngayon. Naging posible ito dahil sa ipinatupad na clearing operations, upang alisin ang mga traffic obstructions sa Glorietta, Public market, sidewalks at mga establisimyento sa kahabaan ng B.S Aquino Avenue gayon din sa mga secondary roads. Ipinatupad rin ang re-routing ng mga pampasaherong tricycle at mahigpit sa pagpapatupad ng batas gaya ng no loading at unloading zones, maging sa no parking at double parking. Naglagay ng mga traffic enforcers sa mga junctions, busy streets gaya ng mga tapat ng paaralan, ospital, palengke at iba pang lugar. Ipinagbawal rin ang mga kolorum na tricycle. Para maresolba ang ilegal na pagpaparada ng sasakyan, kinausap ang mga nagmamay-ari ng limang pribadong lupa sa St. Augustine, Gil Carlos St., R.E. Chico St., Bagong Nayon at Donya Enriqueta para mai-convert sa parking ng mga pribadong sasakyan. 

Libreng Sakay 
Para sa mga naapektuhan ng mahabang lakarin sa pagsasaayos ng trapiko, ay naglagay ng limang 8-seater golf cart ang ngayon ay nagbibigay ng libreng sakay partikular sa mga senior citizen, PWD, at mga buntis na siyang prioridad sa nasabing sasakyang umiikot sa public market at mga TODA terminal sa Poblacion.

Service ID sa TODA
Isinasaayos din ang pamunuan ng mga TODA at nagbigay ng Service ID upang makilala ang lahat ng lehitimong kasapi na driver at ganun din para sa proteksyon ng mga pasahero. Pinagusapan na rin at ipinatupad ang Fare Matrix para magkaroon ng Standard na Fare Rate at computation sa pamasahe. Gusto ng pamahalaan ang "Win-Win solution para sa mga driver at pasahero - Tamang pamasahe, Tamang kita, Lahat masaya."

High FVE sa Barangay, Serbisyong May Malasakit Caravan 
Full force ang  mga nasa munisipyo na bumaba sa mga barangay bitbit ang mahahalaga at napapanahong serbisyo na inilalapit sa mga residente ng libre gaya ng libreng medikal at dental consultations. Libreng bunot, libreng patingin sa mata, libreng gamot, libreng pananim na prutas at gulay at libreng bakuna sa aso. Serbisyong hindi lang may malasakit, pampa-good vibes pa dahil libre ang gupit, masahe, facial, manicure at pedicure, footspa at pati na rin ang zumba. Pwede ring kumuha ng cedula, pagproseso ng permit, humingi ng payong legal at kumonsulta sa mga problema sa birth and marriage certificate registration. 

Palit Basura at Palit Load Project
Naglalayong i-promote ang solid waste management sa mga kabahayan sa pamamagitan ng pagpapalit ng mga grocery items o cellphone load sa mga basurang maiipon ng taong bayan. 

Aid to Individuals in Crisis Situation (AICS)
Sa tala ng Community Affairs Office, nasa 3,889 na kababayan na natin ang natulungan sa pagpapagamot at iba pang suportang medikal, gaya ng laboratoryo, animal bite at pinansiyal. Nagrefer din sa PCSO at inilalayan ang ibang kababayan natin sa ospital sa Malolos, Maynila.

Senior Citizens
Nagbigay ng mas mararamdamang kalinga sa mga Senior Citizens at pagpapalawig ng mga benepisyong kanilang natatanggap galing sa munisipyo, gaya ng Birthday Meal Package na mula 200 pesos ay naging 300 pesos na maaari nang ma-avail sa Jollibee, McDonald's, Greenwich, Chowking at Max's. Ibinalik na rin sa dalawang beses kada linggo ang libreng sine para mas maraming pagkakataon na makapaglibang ang ating mga lolo at lola. Hatid Kalinga na kung saan munisipyo na mismo ang maghahatid sa tahanan ng kanilang pag maintenance na gamot para sa hypertension at diabetes sa pamamagitan ng mga FVE Agents. Baliwag Benefits Card para sa mga Senior Citizen, PWD at Solo Parents. Maari itong magamit na discount card, debit card sa mga ka-partner establishments. Ito narin ang kakailanganin para sa lahat ng transaksyon. Ang Baliwag ang kauna-unahang magpapatupad ng proyektong ito sa buong bansa. 

Baliwag Malasakit and Specialty Center
Binigyan ng bagong mukha ang bagong gusaling ipinatayo ng dating administrasyon upang higit na mapakinabangan ng mas nakararaming nangangailangan na Baliwagenyo. Magsisilbing tahanan ng mga kababayan natin na dumaranas ng stroke, arthritis, diabetes at encephalitis dahil naglagay ito ng rehabilitation facility na magkakaloob ng free physical therapy upang maibsan ang paghihirap at panghihinang piagdaraanan ng mga pasyente. 

Animal Bite Center - Coming Soon, at libre ito para sa mga nangangailangan ng anti-rabies vaccine.

Institutional Partnership
Isang istratehiya para maserbisyuhan ang mga kababayan na hindi masyadong gugugol ng pondo sa kaban ng bayan. Para sa pangangalaga sa ngipin, nakipag-partner sa Centro Escolar University sa Malolos  (College of Dentistry) kung saan dito dadalhin ang mga indigent dental patients ay maaring makatanggap ng free corrective at rehabilitative dental services gaya ng dental cleaning, root canal, dental filings o pasta, at dentures o pustiso.

Mass Deworming / Feeding Program
Itinuloy ang mass deworming para sa 18,919 na bata kung saan tayo ay kinilala bilang ikatlo sa may pinakamataas na accomplishment sa buong Bulacan. Itinuloy rin ang Supplemental Feeding Program para sa 271 na batang natukoy na malnourished hanggang sa maiwasto  ang kanilang timbang. 

Baliuag Chamber of Commerce
Inilunsad ang "Sitting Pretty campaign" kung saan ipadarama sa mga negosyante kung gaano kadali, kabilis, kasaya at kapaki-pakinabang ang pamumuhunan sa ating bayan.

Sisterhood sa Valenzuela City
Makikinabang ang Baliwag sa mga kaalaman, proseso at teknolohiya na ibabahagi ng Valenzuela sa atin. Partikular sa Investment, Early Childhood Care Development, Disaster Preparedness at Revenue Generation. Ito ang ating kauna-unahang sister city ngunit isusulong pa ang sister cityhood sa Makati City at San Fernando City para mai-adopt din natin sa Baliwag ang mga ipinagmamalaking "Best Practices" nila sa local governance. Para dumating ang panahon na taas noo nating masasabi na - "Ganito kami sa Baliwag."

Bahay Pagbabago
Napasabak ang Peace and Order Council at Municipal Anti Drug Abuse Council sa pagbabalangkas ng Peace and Order plan at paglalaan ng pondo para suportahan ang "Oplan Tokhang" ng Baliwag PNP. Nakapagtala ng mahigit 500 surenderees at biktima ng ipinagbabawal na gamot. Mahigit 30 sa mga ito ang Drug Pushers. Nagdaos din ng "Surprise Drug Testing" sa mga kapulisan at mga kawani ng munisipyo partikular ang mga nasa hanay ng traffic enforcement, sanitation, MDRRMO at maintenance upang ipakita na seryoso rin ang pamahalaan sa paglilinis ng sarili nilang tahanan.  Inilunsad din ang Bahay Pagbabago (Drug Reformation Center) na magiging kanlungan ng mga biktima ng droga na nais magbagong buhay. Libre po ito para sa mga taga Baliwag. Ayon sa Deputy Officer ng PNP Region III, ang ating pasilidad ang pinakamaayos na reformation center na nakita niya sa buong Central Luzon. 

Infrastructure
Isasaayos ang Baliwag Star Arena upang maging mas kaaya-aya ang pagdadausan ng mga malalaking okasyon. Isinulong na rin ang paunang hakbang para sa dalawang malalaking proyekto kabilang dito ang pagbili ng 6,000 sqm na lupa para sa itatayong Sta. Barbara High School at San Jose -Tumana road widening project. Government Center - (Coming Soon) kung saan mataatagpuan rin ang Star Arena, Baliwag Malasakit Center, Baliwag Fire Station, at ang bagong gusali ng Baliuag Polytechnic College para mas maraming kabataang Baliwagenyo ang libreng makapag aral dito na sisimulan na sa pagpasok ng second semester. 

Edukasyon
Nakipagpartner ang pamahalaan sa Synergeia Foundation, na kilalang champion sa pagsusulong ng Quality Education upang tulungan ang pamahalaan na palakasin ang School Governing Board na mapababa ang "Drop out" at mapataas ang retention rate sa ating pampublikong paaralan. Pinirmahan na rin ang pagbibigay ng scholarship sa mga guro ng pampublikong paaralan na nais mag-aral ng post graduate studies o Master's. Ito ay tulong gobyerno upang matulungan ang mga guro na maibsan ang gastusin at pataasin ang kanilang ranking o promotion bilang mga guro. 

Town-wide Clean Up Drive
Parami ng parami ang mga organisasyon, kompanya at ahensya na nakikiisa sa gawain ng paglilinis ng ating bayan. Naglagay din ng mga Eco-Police na nagbabantay sa mga nagkakalat, mga naninigarilyo sa ating bayan.

Certified Seeds Distribution
Pakikinabangan ng 150 na magsasaka na kung saan sa halip na 50-50 scheme, ay 100 porsyentong subsidiya na ang ibibigay ng pamahalaan upang wala na silang gagastusin pa sa pagbili ng binhi. May mga seminar rin para sa modern farming techniques. Namahagi rin ng lason sa mga peste at daga. Hybrid seeds upang makabili ang mga magsasaka na may 50 porsyentong diskwento. Namahagi rin ng 672 na sako ng organic fertilizer sa lahat ng paaralang elementarya at sekondarya, ganun din sa mga mag-gugulay o vegetable backyard raisers sa Baliwag. Mayroon ring Crop insurance na ipinamahagi kung saan 500 na ektarya ay insured sa halagang 10,000 pesos kada ektarya. 

Happy Kaarawan Goals
Naging saksi si Mayor Ferdie sa pagiisang dibdib ng 76 na magsing irog sa "Happy Kapag May Forever". Mahigit 800 naman ang nakatanggap ng Libreng bakuna, libreng laboratory services, free pap smear services at minor surgery sa "Happy Pag Malusog ang Katawan". "Jobs Fair" naman ang handog ni Mayor para sa mga naghahanap ng trabaho at 310 ang natanggap sa trabaho mula rito. "Passporting service" naman para sa mabilisang pagproseso ng passport application na hindi na kailangan pang magpunta sa Maynila para rito. "One Barangay, One Product, Store Express" naman na ang layon ay mabigyan ng pagkakataong kumita ang mga micro, small and medium enterprise na maibenta ang kanilang produkto sa mas malaking pamilihan.

Women and Children in Crisis Center
90 percent na tapos ang center na ito sa barangay Piel at hinihintay na lamang mai-release ang pondo para sa community based monitoring system upang magkaroon po tayo ng accurate database upang masuri ang tunay na kalagayan ng mga Baliwagenyo.

Narito ang video ng kaganapan sa Baliwag Star Arena para sa 100 Days Ulat sa Bayan ni Mayor Ferdie V. Estrella


 
"Sa inyo na naniwala at nakikiisa, at hangad ang ating pagbabago, maraming salamat. Sana po ay 'wag kayong mapagod sa pagtulong, at kung mapagod man kayo, sana po ay 'wag kayong susuko. Dahil ang inyong lingkod po, handang tapusin ang ating nasimulan. Sa hanggang ngayon ay nagdududa pa, sa mga nagaatubili at mga hindi pa naniniwala, maghihintay po kami sa inyo. Wala na pong puwang ang galit sa aking administrasyon laban sa mga taong walang ibang nakikita kung hindi ang mali, ang problema at ang kahinaan ng iba. Mas masarap po ang tulog sa gabi ng isang taong walang kaaway at masamang hangarin sa iba. Mas panatag ang buhay ng mga taong handang mag-abot ng kamay para makatulong. Mas payapa ang kalooban ng mga taong walang inggit sa puso. Ang pagkakapit kamay natin ay ay hindi para maghilahan pababa, sa halip ay para sama samang umangat sa pamamagitan ng sama samang paglilingkod at pagmamalasakit. Iyan po ang tunay na diwa ng "Dugong Baliwag, Pusong Baliwag", may dugo ng tunay na bayani, may puso para maging mahusay sa lahat ng larangan. At mga kababayan, ang hinihiling ko sa inyo ay sana po ay patuloy ninyo akong suportahan. mahirap po ang magig isang Punong Bayan, at hihilingin ko na rin po sa pagkakataong ito na patuloy po ninyo akong ipagdasal na sana lahat ng aking magiging desisyon, lahat ng aking gagawin ay para sa higit na mas nakararaming taga-Baliwag..." 
- Mayor Ferdie V. Estrella














No comments:

Post a Comment