Wednesday, October 12, 2016

ChEAT Street : Everyday is a Cheat Day


ChEAT Street 
Everyday is a Cheat Day


Parati ba ninyong nakikita sa mga Facebook, Instagram at Twitter ang salitang madalas ay may hashtag (#) pa nga na #CheatDay? Ano ba ang ibig sabihin nito? Madalas ito ang bukambibig ng mga nagdye-dyeta o diet. Minsan sa isang linggo ay binibigyan nila ng pahinga ang kanilang pag-diet. Halimbawa, mula Lunes hanggang Sabado ay araw ng diet ngunit pagdating ng araw ng Linggo, sila ay kumakain ng kung ano man ang gusto nila kainin na hindi bahagi ng kanilang diet. Ang tawag sa araw ito ay "Cheat Day". Nakakatuwang makita minsan sa mga social media sites ang mga pictures ng iba't ibang pagkain at nilalagyan pa nga nila ito ng hashtag #CheatDay. Para sa ilan naman na hindi nagdye-dyeta, araw-araw nga naman ay cheat day. Dito nanggaling ang konsepto ng isang kainan na napuntahan ko kamakailan lang, ito ang CHEAT STREET na nasa R.E. Chico St., Brgy. Poblacion, Baliwag, (tapat ng St. Mary's College of Baliuag). Narito ang aking video ng pagpunta ko roon.

Bagaman maliit ang kanilang puwesto ay eksakto lamang dahil ang madalas na kumakain dito ay mga estudyante na nagdaraan mula sa iba't ibang mga paaralan na nakapalibot sa Baliwag. Malinis, maayos at makulay ang kanilang dingding, bagay nga kung gusto ng mga estudyante na mag selfie kasama ang kanilang mga kaklase o kaibigan. Pangunahin nilang ihinahain dito ang "FRIED ICE CREAM". Nilalagyan nila ng iba't ibang flavor ang kanilang ice cream. Ang nakakatuwa pa, mula sa mga kilalang mga tatak ng tsokolate ang pwede mo nang matikman kasama ng kanilang ice cream. Mayroon din naman silang mga fresh na prutas na pwede ring ihalo dito... mamaya ay ipapakita ko sa inyo. Natikman ko ang ilan sa mga masasarap na pagkain na maaring pagpilian. Malalaman na ninyo ngayon kung tama nga ang mga sinasabi ko na ang lugar na ito ay "pang-cheat day" talaga!

Oreo Fried Ice Cream
Fried Ice Cream ang pangunahin nilang ibinebenta rito, kaya naman hindi ako nakatiis na tikman kung masarap nga talaga. Sa Oreo Fried Ice Cream, gumagamit sila ng tunay na biscuit ng Oreo, kaya naman lasang-lasa ang sarap nito pati ang kanilang ice cream mixture. Sino ba naman ang ayaw ng Oreo, kahit bata at mga batang puso ay magugustuhan ito.
Stars: 🌟🌟🌟🌟🌟
 
Kiwi Fried Ice Cream
Marami pang klase ng prutas ang pwede nilang ihalo sa fried ice cream ngunit pinili ko ang Kiwi Fruit. Tama lang ang dami ng kiwi na ihinalo nila sa fried ice cream ko, talagang nagustuhan ko ito ng sobra. Sa tingin ko kahit hindi bata ay magugustuhan kapag mga prutas ang ihinahalo sa ice cream at fresh pa! Kaya kahit ito ay ice cream, healthy pa rin. 
Stars: 🌟🌟🌟🌟🌟 
 

Waffle Burger
Isa ito sa mga bagong natikman ko, Waffle Burger. Sa pangalan pa lang ay alam na ninyo kung bakit ganon ang kaniyang pangalan. Waffle ang kanyang pinaka tinapay at kagaya ng ibang burger, may makapal siyang burger patty, mga gulay, keso at dressing na nagbabalanse ng lasa ng kakaibang burger nila. Maganda rin ang presentasyon ng pagkain, kaya alam kong kahit kayo ay natatakam na matikman ito sa pagtingin pa lang sa picture na ito.
Stars: 🌟🌟🌟🌟🌟 

Creamy Carbonara
 Isa sa hinahanap ko kapag kumakain ng Carbonara ay kung gaano ka-creamy ang kanyang white sauce. At hindi nga ako nabigo dahil ang creamy, talaga namang masarap at hindi nakakaumay ang lasa. Ang white sauce ay bumabalot sa kanyang pasta kaya naman kapit na kapit ang lasa nito.

Creamy Carbonara with Blue Lemonade

Mayroon pa silang kasamang Blue Lemonade sa bawat order ng kanilang creamy carbonara, talagang sulit nga!
Stars: 🌟🌟🌟🌟🌟 

Pizza Fries
Ngayon lang ako nakakita ng Fries na ginawang lasang Pizza. Kayo ba? 
Ang ordinaryong piniritong French Fries ay binigyan nila ng bagong twist. Nilagyan ng sauce, ham at keso at masarap dahil yung keso na madaling matunaw ang kanilang inilagay dito. Para ka nga talagang kumain na rin ng Pizza at French fries ng sabay. Talaga namang masarap at sa dami ng isang order ay kakasya na ito para sa dalawang tao. Hindi pa ba kayo kumbinsido kung bakit "Cheat Street" ang pangalan ng kanilang kainan? 
 Stars: 🌟🌟🌟🌟🌟 

Caramel Cappuccino
Iba't ibang klase ng frappe ang meron sila ngunit ito ang aking pinaka nagustuhan, siguro nga ay mayroon lang talaga akong "sweet tooth". Maaari ring ang iba sa inyo ay gaya ko, pero may iba pa naman silang klase ng frappe at inumin na mapagpipilian. Malasa kasi ang vanilla at caramel sa inumin na ito. Ikaw ano ang paborito mong flavor ng Frappe?
Stars: 🌟🌟🌟🌟🌟   
 
Ang ChEAT Street ay pagaari ng pamilya Herrera ngunit ang nagpapatakbo ng negosyo ay ang magkapatid na Catherine at Angelique Herrera. Simula pa lang ay hilig na nila ang pagnenegosyo, sa tulong na rin ng kanilang pamilya ay naitayo ang Cheat Street. Nagbukas ang kanilang tindahan noong August 8, 2016. Bago ngunit kayang-kaya makipagsabayan nito dahil sa kanilang Fried Ice Cream na kilala na rito sa Baliwag. Tinanong ko sila kung bakit "Cheat Street" ang naging pangalan nito, at tama na ako dahil galing ito sa salitang madalas nating nababasa sa mga social media na #CHEATDAY. At dito nga ay araw-araw na cheat day! Paano ba naman, napakasarap ng kanilang pagkain rito, talagang swak pa sa budget kahit mga estudyante. Kaya tara-let's eat na sa Cheat Street, kalimutan na pansamantala ang diet dahil dito, everyday is a cheat day!


ChEAT Street
Located at: R.E. Chico Street, Poblacion, Baliwag, Bulacan
Phone number: 0905 373 4199
I-like ang kanilang Facebook page para sa kanilang mga promo: ChEAT Street
I-follow na sila sa Instagram: @Cheat_Street











No comments:

Post a Comment