Oktubre 7, 2016 (Biyernes) sa saktong ika-100 araw ng panunungkulan ni Mayor Ferdie V Estrella ay binuksan ang Bahay Pagbabago o ang Baliwag Drug Reformation Center na nasa loob ng Barangay Tiaong, Baliwag. Sa pangalan pa lang ng lugar na aking nabanggit, siguro ay may konti na kayong ideya kung tungkol saan at para saan ang lugar na ito. Ngunit hayaan nyo akong ikuwento at idetalye sa inyo ang tungkol dito.
Hindi pa man nagsisimula ang panunungkulan ng ngayong ating President Rodrigo Roa Duterte, ay pinaigting na niya ang kampanya laban sa droga. Sinimulan ang Oplan Tokhang na hango sa salitang Cebuano na "Toktok-Hangyo" o ang ibig sabihin ay katok at pakiusap. Mula noon ay marami na ang mga sumuko na mga gumagamit at lulong sa bawal na gamot. Ngunit pagkatapos nilang sumuko, ano na ang mangyayari sa kanila? Paano sila makapagbabagong buhay?
Kaya naman dito sa ating bayan ay kaisa natin ang ating Mayor Ferdie V Estrella at ang buong puwersa ng Baliwag sa pagpapatupad ng "all out war against drugs". Sa kasalukuyang datos ay mayroon tayong 519 na surrenderees o mga sumuko na. Sa programa, ay nagbigay ng kanyang talumpati si Ginang Emieh Romulo, ang butihing maybahay ng Barangay Captain ng Tiaong, Ricky "RR' Romulo. Nagpaabot ng kanyang mensahe na ang Barangay Tiaong ay nagpasasalamat at patuloy na susuporta sa layunin na sugpuin ang mga nalulong sa droga at tulungan ang mga ito na makapagbago. Naroon din ang si Police Superintendent Froilan Uy at Deputy Regional Director for Operations na si Graciano Mijares para kay Chief Superintendent Aaron Aquino. Sabi nga nila, dito sa bayan ng Baliwag ang "One of the Best" na programa sa pagsugpo sa droga. Alam ba ninyo na ang presyo ng bala ng baril ay "bente pesos" lamang? Ngunit pinahahalagahan nila ang bawat buhay ng tao kaya naman ang kapulisan ay nakikiisa sa hangarin na mapagbago ang mga surrenderees.
Ayon naman kay Doktora Mary Joanne Dinglasan MD, sa laban ng kampanya laban sa droga, tayo ay may dalawang programa sa gobyerno. Ang Rehabilitation at Reformation. Ano ba ang kaibahan nito? Ang Rehabilitation ay ang mga pasyente na masyado na nalulong sa bawal na gamot at kailangan na ng mga gamot upang matulungan sila. Ang Reformation naman ay mga surrenderres na hindi pa masyadong lulong at kailangan lamang ng gabay para kanilang pagbabagong buhay. Sa ganitong programa, ang mga surrenderees ay kusang loob na papasok sa Bahay Pagbabago. Simula na sa Lunes, Oktubre 10, 2016 ay magsisimula nang tumanggap ng mga pasyente. Ang unang batch para sa programa ay 40 na surrenderees, at hangad nila na madagdagan pa sa mga susunod na batch. Sisimulan ito sa Registration, Counselling, aalamin kung may special concerns ang pasyente gaya ng medikal o kinakailangan ng Psychiatric / Psychologic services. Pinapaalala nila na, "ang Bahay Pagbabago ay hindi isang kulungan, kundi maayos na tirahan para sa mga surrenderees na gustong magbago."
Hangad ng ating Mayor Ferdie V Estrella na matulungan ang mga surrenderees para makapagsimulang bagong buhay. Para sa mga sasailalim sa 2 months program sa loob ng Bahay Pagbabago, sila ay matututo umiwas na sa droga at tuturuan na maging produktibo para naman sa kanilang paglabas, ay hindi na sila muli pang babalik sa kanilang bisyo at magkaroon ng bagong pananaw sa buhay. Sa kanilang paglabas sa Bahay Pagbabago, sila ay bibigyan ng tulong pinansiyal para makapag tayo ng kanilang maliit na negosyo.
Pinapangako ni Mayor Ferdie V Estrella ang kanyang buong pusong tulong at suporta para sa mga surrenderees. Tinignan at ininspeksiyon ni Mayor Ferdie at Municipal Admin Eric Tagle ang buong lugar ng bahay Pagbabago. Narito at ipasisilip ko sa inyo.
Sama sama at tumulong tayo sa pagsugpo ng droga dito sa ating bayan. Makiisa at tulungan natin ang mga nalululong sa droga dahil hangad ng ating Mayor ang serbisyong may malasakit para sa mga mamamayan ng Bayan ng Baliwag.
No comments:
Post a Comment