Ortega's Best
Maipagmamalaki ng Bayan ng Baliwag
Natikman mo na ba ang masarap na tocino, longganisa at iba pang produkto mula sa Ortega's Best? Alam mo ba kung saan at paano ginagawa ang madalas nating kasama sa ating almusal?
Hayaan ninyong ikwento ko sa inyo ang mga natuklasan ko sa aking pagpunta sa barangay Subic sa bayan ng Baliwag, kung saan matatagpuan ang planta o ang pagawaan ng Ortega's Best frozen foods na madalas natin nakikita sa Palengke ng bayan ng Baliwag. Sa pagpasok ko palang ay binati na ako ni Ginang Hedeliza Mangulabnan na tumatayong CEO at may ari ng Ortega's Best kasama ang kanyang anak na si Ms. Beth Gonzalez-Mangulabnan. Pinatuloy nila kami sa kanilang planta pero bago kami pumasok ay kinailangan muna namin magsuot ng tamang kasuotan pra mapanatiling malinis at hindi makontamina ng bacteria ang kanilang pagawaan at pati na ang mga pagkain na hinahanda dito.
Sa pagpasok namin sa "Worker's entrance" ay kapansin pansin na may hand washing area at kailangan namin isawsaw ang aming suot na bota sa kanilang Sanitized water dip. Malinis ang kanilang planta at pati ang mga empleyado nito ay sumusunod sa tamang paraan para matiyak na malinis ang bawat produkto na lalabas mula sa kanilang planta. May kanya kanyang lalagyan para sa mga gamit ang kanilang planta at pinananantili nila itong maayos at malinis.
Una kaming pumunta sa "Raw materials storage", kung saan ang mga hilaw na sangkap ay dapat naka lagay sa hindi bababa -20 degrees (o negative 20 degrees) na siyang temperatura ng isang malamig na imbakan o storage para hindi masira at makontamina ng bacteria ang mga gagamitin nilang sangkap sa pag gawa ng kanilang frozen foods. Sumunod naman ang kanilang production area at namangha ako sa mga kagamitan nila na nagmula pa sa USA o Estados Unidos. Napakabilis ng kanilang mga makina na kayang makapaglabas ng mahigit 2,000 kilo kada araw. Ipinakita rin nila sa akin ang paraan ng pagluluto nila ng mga embutido at ham. Mayroon silang sariling lugar para sa packaging ng mga ito.
Masusi nilang tinitimbang at isinasara ang bawat plastic at sinisiguradong selyado ito upang manatili itong sariwa at hindi pasukin ng anumang bacteria. Matapos nito ay isinasalansan na sa kanilang storage area na hindi dapat bumaba sa -20 hanggang -30 degrees na lamig. Sa lahat ng kanilang lugar ay mapapansin ang "handwashing area" dahil sinisiguro nila na hindi kakalat ang bacteria mula sa karne. Ang kanilang planta at produkto ay pumasa sa mga pagsusuri ng NMIS o National Meat Inspection Service at iba pang sangay ng gobyerno na nagbibigay ng sertipikasyon ukol sa kalinisan at sanitasyon. Dahil dito, nakakasiguro tayo na malinis at masarap ang ating ihinahain na almusal sa ating pamilya.
Narito ang video kung saan ipapakita ko sa inyo ang aktwal na pagpasok namin sa knilang planta. Samahan ninyo ako!
Pinaunlakan ako ni Ginang Hedeliza Mangulabnan o "Tita Del" sa ibang nakakakilala sa kanya para sa isang interview. Mula sa isang simpleng negosyo na pagtitimpla ng longganisa at tapa ng kanyang butihing ina na si Ginang Carmelita Ortega na nagsimula noong 1978 ay lumago magpasa hanggang ngayon. Mula 1978 hanggang 1989 ay itinitinda na ito sa pamilihang bayan ng Baliwag at noong 1990 ay nabili na nila ang kanilang tindahan sa BMG Bldg. Sa pagpanaw kanilang ina noong 1985 at ng kanilang ama noong 1994, nagtulungan ang anim (6) na magkakapatid upang maiangat ang kanilang negosyo. At si Tita Del na nga ang nakapagpatuloy nito. Siya ay nagtapos sa kursong Business Administration at naging isang Government employee hanggang taong 1994. Alam niya na kailangan niyang tulungan ang kanilang negosyo mula ng pumanaw ang kanyang mga magulang, at mula noon ay kanyang tinutukan na ang pag-asikaso sa naiwang negosyo ng kanyang mga magulang. Nagsimula sa apat na klase ng processsed food na Longanisang bawang, longanisang matamis, skinless longanisa at tapang baboy at ito rin ang recipe na naipamana sa kanilang magkakapatid. Ngayon ay mayroon na silang 44 na klase ng processed food at ang ika-45 nilang produkto na kiddie hotdog ay matitikman na natin sa Setyembre 17, 2016. Mula sa isang tindahan sa palengke ay mayroon na silang siyam (9) na outlet sa Bulacan. Ang Ortega's Best ay rehistrado sa pangalang Ar-Del's Premium Foods. Sa ngayon ay mayroon na silang 30 hanggang 40 na empleyado sa kanilang planta.
Ang kanilang planta |
Isa sa kanilang outlet sa bayan ng Baliwag |
Alam nyo ba kung ano ang sikreto sa paglago ng negosyo? Ayon kay Tita Del, "Kailangan sa negosyo ang sipag, dedikasyon sa ginagawa mo, dapat ay pagaralan mabuti kung ano ang pinapasok mo na negosyo at higit sa lahat, dapat ay may pananalig sa Diyos. Kung wala ang mga ito ay hindi ka magtatagumpay sa negosyo." Ang Ortega's Best din ang may-ari ng Tita Del's Bakeshop, Mister Tinapay, Texas Fried Chicken, Ortega's Bigasan ay ilan lamang sa mga negosyo na naipundar ng kanilang pamilya. Isa ang Ortega's Best sa maituturing na institusyon na sa larangan ng pagkain dito sa bayan ng Baliwag. Hindi ba't maipagmamalaki natin ang mga Baliwagenyo? Kaya't ating tangkilikin ang sariling atin.
Maraming salamat po sa pagpapaunlak para sa isang interview at pagbabahagi sa amin ng inyong matamis na tagumpay, tunay ngang maipagmamalaki ang mga Baliwagenyo!
No comments:
Post a Comment