Mister Tinapay
Masasarap na Cakes at Tinapay,
Presyong pang-masa!
Hindi nawawala sa selebrasyong Pinoy ang mga handaan lalo na kapag may birthday, anniversary o kahit monthsary pa 'yan. Hindi rin nawawala sa eksena ang mga cakes hindi ba? Paano naman kung kapos sa budget? Makakapag celebrate pa ba?
Tayong mga Pinoy ay magaling sa mga diskarte, kung saan mura, doon tayo. Kaya naman naghanap ako ng masarap na cakes at tinapay na swak sa budget. Sa bayan ng Baliwag ay nakita ko ang Mister Tinapay. Pagpasok ko pa lamang ay hindi ako magkamayaw sa pagtingin at hindi malaman kung ano ang aking pipiliin. Sa dami ng kanilang mga tinapay, siguradong lahat ay gusto kong tikman. Ngunit ang nakapukaw sa aking atensyon ay ang kanilang mga cakes. Mayroon silang mga cake rolls, dedication cakes, egg pie at ang Crema De Fruta na talagang namang nakaka takam sa unang tingin ko pa lang.
Sa halagang 135 pesos lamang ay hindi ako nag atubili na bumili at ganoon din naman ang kanilang espesyal na Yema Biscocho na halagang 30 pesos lang! (sabi ko sa aking sarili na bagay ito kasama ng pag-inom ng mainit na kape.) Masaya kong inuwi at tinikman agad. Narito ang aking rating.
Crema De Fruta
Amoy pa lang ay maaakit ka nang kainin, ang cake nila ay hindi nakakahirin, moist at tama lamang ang tamis. Hindi rin malasa ang ginamit na pampaalsa kaya naman walang lasang mapait, hindi magalas sa ngipin (senyales na hindi matapang ang pampaalsang ginamit) at higit sa lahat, hindi ka mauumay. Ang filling ay lasang yema ngunit hindi masyadong matamis. May clear gelatin at fruits sa ibabaw. Sa halagang 135 lang ay hindi ka na talo sa sarap at sulit ang iyong binili. May mga kakilala at kaibigan narin ako na nakapag sabi sa akin na masarap at pinilahan ito lalo na noong Pasko at Bagong Taon.
Rating: ⭐⭐⭐⭐⭐
Yema Biscocho
Hindi ordinaryong Biscocho ang natikman ko, sa mga natikman ko na dati (ordinaryong mantikilya at asukal), masasabi ko na sobrang espesyal nga ang Yema Biscocho ng Mister Tinapay. Tama lamang ang tigas ng Biscocho, nuot ang ibinalot na pampalasa sa loob nito, kaya hindi lamang sa labas ng tinapay nito malalasahan ang sarap. Sabi nga sa Ingles, "Melts in your mouth" at ganoon nga talaga ang bagay na deskripsyon sa natikman ko nang Yema Biscocho. Bagay nga sa mainit na kape o tsokolate. Mapa- almusal, merienda, midnight snack, ayos na ayos ito!
Rating: ⭐⭐⭐⭐⭐
Narito rin ang ilan sa mga tinapay na gawa nila:
Murang cakes ang nabanggit ko kanina hindi ba? Narito ang ilan nilang cakes:
Ang Mister Tinapay ay nagbukas noong March 2015 sa Poblacion, Baliwag at ngayon ay may branch sa barangay Tiaong, Baliwag. Sariling recipe nila ang lahat ng kanilang mga tinapay at cakes. Nakilala ko ang mga may ari na sina Mr. & Mrs. Ian at Theriz Chan. Tubong Baliwag, kaya naman ang kanilang mga produkto ay talaga namang Tatak Baliwagenyo.
Cakes na pang-masa hindi ba? Maghahanap ka pa ba ng cake na swak sa budget? Heto na 'yon mga Bes! Ang kanilang tindahan ay matatagpuan sa Barerra Street, Poblacion, Baliwag, Bulacan. (Katabi ng Manson Drug). May branch rin sila sa Brgy. Tiaong, Baliwag.
I-Like na ang kanilang Facebook page: https://www.facebook.com/pg/MisterTinapay/