Graduation sa Bahay Pagbabago
Disyembre 14, 2016
(Paalala: Sadya pong hindi ipapakita ang mga mukha ng mga reformist para sa kanilang privacy at confidentiality.)
"Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip,
ito'y napalitan na ng bago."
2 Corinto 5:17
Narinig ko ito sa testimony ng isa reformist sa Bahay Pagbabago. Hindi ko sila personal na kilala pero sa pagsasalita nila sa harapan para sa kanilang testimony ay ramdam ko ang kanilang sinseridad sa kanilang pagsisisi at pagbabago. Hindi maiwasan ng ilan ang maluha dahil sobrang nakaka-touch naman talaga at may kurot sa puso kung pakikinggan ang kanilang mga kwento. Silang lahat ay may iba-ibang istorya kung bakit sila nakatikim at gumamit ng droga, at dahil din sa drugs ay nasira ang buhay pati na ang pagsasama ng pamilya. Hindi lahat ng kwentong ganito ay nagtatapos sa wala, ang 24 na mga lalaki na sumailalim sa Reformation Program ngayon ay nakatapos na sa loob ng kanilang animnapung (60) araw na pananatili sa loob ng Reformation Center o "Bahay Pagbabago." Nakatutuwang malaman na napakalaki na ng kanilang pinagbago mula ng sila ay pumasok sa Bahay Pagbabago.
Matatandaang eksaktong ika-100 araw ng panunungkulan ni Mayor Ferdie V. Estrella ng mailunsad ang Bahay Pagbabago. Ito ay isang pagsunod sa adbokasiya ng ating Pangulong Rodrigo Duterte sa laban sa ipinagbabawal na gamot. Ito rin ay aking isinulat sa aking nakaraang blog. Ang Pagbubukas ng Bahay Pagbabago. Kaya naman ngayon, Disyembre 14, 2016 ay itinakda ang pagtatapos ng unang batch ng reformist.
Dumating ang mga ka-anak ng mga reformist na sabik na silang makasama ulit sa kanilang paglabas. Binati sila ng butihing maybahay ni Kapitan Ricky "RR" Romulo (Brgy. Captain ng Brgy. Tiaong) na si Ginang Emieh Romulo. Nagpasalamat kay Mayor Ferdie para sa isang napakagandang pamasko para sa mga reformist, ang regalo upang makapag bagong buhay. Nagpasalamat din siya sa mga tumulong upang maisagawa ang napakagandang adbokasiya na ito. Ganun din si Ginang Jo Labasbas na head ng MSWDO. Idinagdag niya na hindi lamang hanggang sa reformation center iaabot ang pagtulong, aalamin nila isa-sa kung ano ang pangangailangan ng bawat pamilya ng mga reformist, maging gamot man ito, pangkabuhayan at kung ano pa ang maaaring maitulong.
Mrs. Emieh Romulo (Maybahay ni Kapitan Ricky "RR" Romulo) Tiaong |
Ma'am Jo Labasbas, MSWDO |
Nagpaabot din ng pagbati ang Hepe ng PNP ng Baliwag na si Hepe Froilan Uy. Sinabi niya na napakalaki ng ipinagbago ng mga reformist at mula sa kanilang batch ay hikayatin nila at sila mismo ang maging patotoo kung ano ang ginagawa sa Bahay Pagbabago. Sabi nga niya, "Spread the news na dito sa Baliwag, ang lahat ay may pagkakataon na magbago." Ang susunod na batch ng mga reformist at maguumpisa sa ikalawang linggo ng Enero 2017.
Hepe Froilan Uy, Hepe ng PNP Baliwag |
Masaya naman ang ating Mayor Ferdie V Estrella dahil sa nakita niyang mga pagbabago sa mga reformist. Sabi niya, "Noong unang kita ko pa lang sa kanila sa pagdating nila sa Bahay Pagbabago ay mga humuhulas! Pero ngayon ay mga poging-pogi na sila!" Natutuwa siya sa 24 na reformist dahil sila mismo ang mga unang nagpunta sa Bahay Pagbabago upang sumuko at magpasailalim sa reformation. Ayon kay Mayor, sa ngayon na nakita niya ang pagbabago ay hindi niya ito bibigyang ng isda, bagkus, sila ay bibigyan ng Pangisda, upang sila mismo ang gumawa ng paraan para sila ay kumita at tuluyang mabago ang buhay. Paalala nya lamang sa mga reformist na wag sayangin ang pagkakataon na ibinigay sa kanila at ituloy na ang pagbabago. Sana ay makapagdala rin sila ng mga gustong matulungan para sa pagbabagong buhay. Nagpasalamat din ang ating Mayor sa mga pastor at mga volunteers na kasamang gumabay sa mga reformist sa kanilang 60 days na pamamalagi sa Bahay Pagbabago.
Mayor Ferdie V Estrella |
Ang mga tulad nila ang dapat na bigyan ng pagmamahal. Kaya naman sila ay nalulong sa bawal na gamot ay dahil maaaring hindi nila nadama ang pagmamahal mula sa kanilang mga pamilya. Bigyan natin sila ng pagkakataon na magbago.
No comments:
Post a Comment