Kapag napunta ka sa isang lugar ay talagang hahanapin mo kung ano ang mga magandang puntahan, adventure at syempre mawawala ba ang paghahanap ng makakainan? Nag-gala ako sa Cebu City at hinanap ko kung ano ang mga patok na kainan sa kanilang bayan. Nanguna sa aking listahan at hindi dapat mawala sa inyong mga itinerary ang pagpunta sa Larsian! Ano ito? Ikukuwento at ipapakita ko sa inyo. Warning! Sadyang magugutom kayo sa mga ipapakita ko rito! hahaha!
Dati ko na naririnig mula sa aking mga kasamahang blogger ang tungkol sa Larsian, pero syempre, mas maigi kung ako mismo ang makapunta at mapatunayan na masarap nga ang mga pagkain rito. Mula sa aming lugar sa Mandaue City ay sumakay kami sa isang GrabCar service. Mula sa aming bahay hanggang Larsian ay 142 pesos lang, mga 20-30 minutes mula Mandaue City.
TIP: Gumamit ng mga promo code ng #GrabCar para makatipid syempre. Kaya naman nakatipid ako ng 50 pesos sa aming byahe at binayaran ko lamang ay 92 pesos para sa 4 na tao. Sulit hindi ba!
Malalaman na malapit ka na sa Larsian kung marating na ang Fuente Osmena Circle at makikita ang Robinson's Cybergate, kumanan lang at makikita na doon ang Larsian sa Fuente Osmena, Cebu City na aking pakay ngayon.
Pagpasok pa nanlaki ang aking mga mata sa dami ng stalls na makikita sa loob. Barbeque na pork, chicken, laman loob ng baboy, manok, seafood na pwede mong ipa-ihaw o pwede rin namang ipaluto sa kung anong gusto mo. Pwede nila itong lutuin na "SUTUKIL" o pinagsama-samang salita na ang ibig sabihin ay SUgba, TUwa at KIlaw. (Inihaw, Tinola at Kilawin). Lahat sila ay may iba ibang "gimik" para sa kanilang mga suki. Maayos at malinis ang lugar na ito, madalas nga ay may mga foreigners din rito. Isang linya rin ang mga ihawan nila kaya hindi ka mag-aamoy usok o barbecue dahil sa usok na galing sa mga grill.
Kapag nakapili ka na ng iyong ipapaluto, bibigyan ka na nila ng isang basket na may laman na 20 na piraso ng "PUSO" (hanging rice) o kanin na ibinalot sa dahon. Rattan na pinggan na may dahon ng saging at plastic na hand gloves dahil hindi uso rito ang paggamit ng kubyertos. At sa tingin ko, sa ganoong paraan mas ma-eenjoy ang pagkain rito. Tama nga naman! Mura lamang ang kanilang mga inihaw, narito ang isang sample ng mga itinitinda nila rito.
Sinubukan naming mag-order ng pork barbeque (7 pesos at 15 pesos kung may taba), Isaw ng manok (7 pesos), atay ng manok (20 pesos), inihaw na bangus (150 pesos), seaweed (50 pesos) at sinubukan ko rin ang kanilang ipinagmamalaking Chorizo ng Cebu (20 pesos). Narito at panoorin ang aking ginawang Facebook Live video habang kami ay naroon.
Para sa apat na tao (2 adults at 2 kids), nagastos lamang namin ay 429 pesos kasama na ang aming drinks. Talaga namang mauulit ang pagpunta namin rito! Certified HIT sa mga taga rito, mga turista at pati na rin sa mga foreigners! Tara na sa Larsian sa Fuente Osmena, Cebu City!
No comments:
Post a Comment