Friday, November 25, 2016

Baliwag Christmas Bazaar 2016 - Nagbukas na!


Tunay ngang ang nga Pinoy ang may pinaka mahabang selebrasyon ng kapaskuhan. Bakit ko ito nasabi? Nakapasyal ka na ba sa bayan ng Baliwag? Kung hindi pa, hayaan ninyong ilarawan ko sa inyo. 


Magmula sa munisipyo hanggang sa St. Augustine church ay napapalamutian ng mga makukulay na parol ang bawat poste ng street light. Ramdam ang pasko sa tuwing iilawan ito pagkagat ng dilim. Sa Heroes Park naman ay naroon ang bilihan ng mga bibingka at puto bumbong na may libre pang tsaa o salabat, naroon din ang mga nagtitinda ng bitso-bitso na may maraming gatas at asukal, mas masarap kung ito ay may palaman na keso hindi ba? Sa pagtawid naman ay makikita ang mga nagtitinda ng mga inihaw na isaw, barbeque, at iba pa. Naroon rin ang pritong chi-chaw na masarap isawsaw sa suka. At sino ang hindi nakakaalam ng "day-old" o piniritong 1 day old na sisiw, ang mga itlog na kulay orange, dito masarap ang mga iyan sa Baliwag.




Narito ang maikling video na ginawa ko para maipakita sa inyo na buhay na buhay ang bayan ng Baliwag kahit sa gabi.


Lalong nagpasabik sa parating na kapaskuhan ang pagbubukas ng Baliwag Christmas Bazaar, nagsama-sama rito ang mga nagtitinda ng mga laruan, damit, sapatos, Christmas decors at marami pang iba. Binibigyang pagkakataon rito ang marami nating kababayan na nais madagdagan ang kanilang kinikita para makatulong sa pangkabuhayan ng kani-kanilang mga pamilya. Maayos na nakasalansan ang kanilang mga produkto at inilagay sa kani-kanilang booth upang sa ganoon ay maging maginhawa makapamili ang mga kababayan natin. Hindi na kailangang lumayo pa dahil narito na lahat ng kailangan mo para sa "Christmas Shopping" mo. 



Hindi nga naka-aircon ang pamilihang ito pero ang maganda rito ay makakatawad ka pa at makakamura sa mga bibilhin mo. Nakahanda na ba ang listahan ng mga bibilhin mo? Tangkilikin natin ang may mga maliliit na negosyo dahil makakatulong tayo sa pag-unlad ng bawat isang Baliwagenyo. Isa na namang Serbisyong may malasakit ni Mayor Ferdie V. Estrella. 

No comments:

Post a Comment